Magsino

Magsino isiniwalat na ‘front’ umano ang POGO para lumaganap ang human trafficking

Mar Rodriguez Dec 9, 2023
236 Views

ISINIWALAT ni OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino na prente o “front” lamang ang Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) para pagtakpan anghuman trafficking sa Pilipinas kung saan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang kanilang pangunahing biktima.

Sa kaniyang privilege speech sa Plenaryo ng Kamara de Representantes, inihayag ni Magsino na prente lamang umano ang POGO sa Pilipinas para ikubli ang laganap na human trafficking.

“Sa mga lambat at kamandag ng mga human trafficker na nakapaloob sa mga POGO nalalaglag at nagiging biktima ang ating mga walang kalaban-labang kababayan. Lalo na ang ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs), dapat pag-aralan ng ating pamahalaan kung dapat pa ba silang manatili dito,” ayon kay Magsino.

Binanggit din ng OFW Party List solon ang mga insidente ng raid na ikinasa ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa mga POGO sa Pasay City, Paranaque, Clark at Pampanga. Kung saan, mga dayuhang Asyano at mga Pilipino ang sapilitang pinagta-trabaho na may kaugnayan sa pagpapalaganap ng cyber scams at prostitusyon.