Magsino

Magsino nagbigay pugay sa mga kababaihan

Mar Rodriguez Mar 6, 2024
122 Views

Magsino1BILANG PAGGUNITA sa “National Women’s Month”, inilahad ni OFW Party List. Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang samu’t-saring problemang binabalikat ng mga kababaihan kasunod ng pagbibigay pugay nito sa mga kababaihan dahil sa kanilang katatagan at pagsisikap sa gitna ng mga pagsubok.

Sa kaniyang privilege speech sa Plenaryo ng Kamara de Representantes, nagbigay pugay si Magsino para sa mga kababaihan patungkol sa napakahalagang papel na ginagampanan nila partikular na ang mga babaeng Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakikipag-sapalaran sa ibayong dagat.

Subalit sa gitna ng pagpupunyagi ng mga kababaihan para sa kani-kanilang pamilya at mahal sa buhay. Binigyang diin ni Magsino sa kaniyang talumpati ang datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsasaad na 57.8% ng mga OFWs ay mula sa hanay ng mga kababaihan.

Gayunman, sinabi ng kongresista na sa kabila ng malaking kontribusyong nai-aambag ng mga babaeng OFWs sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng kanilang remittances. Ilan sa kanila ang patuloy na nakakaranas ng kaliwa’t-kanang pagdurusa tulad ng sexual exploitation, sexual assault at iba pa.

Idinagdag pa ni Magsino na maliban sa mga binanggit nitong problema. May mga OFWs din aniya ang nakakaranas ng mga matinding hamon o pagsubok kabilang na dito ang pagkawasak ng kaniyang pamilya, pagtataksil ng kaniyang asawang lalake at nahaharap sa mental health problem ang anak nito.

“Women are disproportionately affected by labor migration issues compared to men. Despite that, our women OFWs continue to fight for their rights to work abroad with dignity. As the OFW Party List travels to the host countries, we see our women OFWs still full of grit, grace and hope,” sabi ni Magsino.

Kasabay nito, pinamamadali naman ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party List Cong. Erwin T. Tulfo sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagbibigay nito ng libreng mammogram, ultrasound at iba pang tests para sa mga kababaihan kaugnay sa pagdiriwang ng National Women’s Month.

Iginigiit ni Tulfo na dapat din bigyan ng libreng benepisyo ang mga kababaihang miyembro ng PhilHealth sa pamamagitan ng medical examinations matapos itong mapag-usapan sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Ways and Means at House Committee on Senior Citizens.

“It was brought up during the last hearings yung basic diagnostics, X-Rays, ultrasound, ECG and particularly mammogram should be free courtesy of PhilHealth lalo na mga kababaihan particularly women’s month ngayon. Puwede po bang gawing libre na ang mammogram para sa mga kababaihan natin,” sabi ni Tulfo.