Calendar

Magsino nananawagan sa DOTr kaugnay sa problema ng mga OFWs sa MRT-3
NANAWAGAN si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino sa Department of Transportation (DOTr) upang mabigyan ng kaukulang aksiyon ang problema ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) matapos silang pagbawalan ng pamunuan ng MRT-3 na magsakay ng malalaking bagahe.
Ipinaliwanag ni Magsino na maraming OFWs at air travelers ang gumagamit ng MRT-3 papuntang airport upang makatipid sa pamasahe.
Pagbibigay diin ni Magsino na malaki ang diperensiya ng pamasahe kung sasakay ng MRT ang mga OFWs kumpara kung sila ay magta-taxi o sasakay sila ng TNVS papuntang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Subalit sabi ng kongresista na mistulang pinahirap ng pamunuan ng MRT-3 ang sitwasyon ng mga OFWs at air travelers dahil sa pagbabawal nilang magsakay ang mga ito ng malalaking bagahe.
Dahil dito, umaapela si Magsino kay Transportation Sec. Vince Dizon upang mabigyan ng katugunan ang suliraning kinakaharap ng mga air travelers partikular na ang mga OFWs para sila ay mabigyan ng konsiderasyon ng MRT-3.
Paliwanag pa ni Magsino na hindi aniya usapin dito ang simpleng regulasyon kundi ang malasakit sa mga mananakay na Pilipino kung saan sa ibang bansa aniya ay may maayos na sistema upang maisama ang malalaking bagahe sa mga pampublikong transportasyon.
Mungkahi pa nito na sa halip na magdagdag ng mga bawal sa sistema ng transportasyon. Mas mainam aniya kung pag-iisipan kung papaano magiging epektibo, efficient at inclusive ang mga pampublikong transportasyon.
“Imbes na magdagdag ng mga bawal. Bakit hindi nila pag-isipan kung papaano mas magiging efficient at inclusive ang ating transport system lalo na para sa ating mga OFWs,” sabi ni Magsino.