Magsino

Magsino umapela kay PBBM na matulungan 650,000 undocumented OFWs sa Malaysia

Mar Rodriguez Aug 10, 2023
326 Views

Magsino1Magsino2Magsino3NANANAWAGAN si OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para matulungan ang napakaraming Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Malaysia matapos ang ginawang pagbisita ng kongresista sa Kuala Lumpur.

Ayon kay Magsino, nakipagpulong siya noong nakaraang Agosto 4, 2023 kay Philippine Ambassador to Malaysia Charles Jose kabilang na rin dito ang mga opisyales ng Migrant Workers Office (MWO), Overseas Workers Welfare Administration Administrator Arnaldo Arevalo “Arnell” Ignacio at mga leader ng Filipino communities sa Malaysia.

Nabatid kay Magsino na naging sentro ng naganap na meeting ang pagpapalakas ng bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas at Malaysia. Napag-usapan din aniya ang problemang kinakaharap ng 950.043 OFWs sa Malaysia sa pamamagitan ng tulong na maibibigay ng Philippine government para sa kanila.

Sinabi pa ni Magsino na tinalakay din sa nasabing pulong ang problema ng mga nasa 650,000 undocumented (walang kaukulang dokumento) OFWs o Migrant Workers na naninirahan at nagta-trabaho sa Kuala Lumpur Malaysia na ini-ulat at inilahad naman ni Labor Attache Teresa Pimentel.

Dahil dito, binigyang diin ng kongresista na napakahalaga para sa kaniya ang matiyak ang kapakanan ng mga OFWs sa Malaysia.

“Mahalaga sa akin na maisguro ang kanilang kapakanan at proteksiyon habang nasa ibang bansa sila para magtrabaho. Dahil dito, tungkulin kong makipagtulungan sa ating embahada sa Malaysia upang maisakatuparan ang kinakailangang hakbang at solusyon para sa ating mga kababayan,” ayon kay Magsino.

Samantala, inilunsad ng Overseas Workers Welfare Administrator (OWWA) Region 3 sa pangunguna ni Regional Director Atty. Falconi “Ace” V. Millar ang ”Balik Pinas Hanap Buhay (BPBH) program para sa mga OFWs na nagdesisyong bumalik ng bansa at makapag-pundar na lamang ng kanilang sariling negosyo.

Sinabi ni Millar na tinutulungan ng OWWA Region 3 ang mga dating OFWs na magkaroon ng kanilang negosyo sa pamamagitan ng programang pangka-buhayan. Ang ibinibigay nilang halaga ay depende aniya sa estado ng kanilang ibinigay na kontribusyon sa OWWA.