bro marianito

Magtiwala sa Diyos

388 Views

Magtiwala din tayo sa Panginoon. Katulad ng pagtitiwala ng Birheng Maria (Lucas 1:26-38)

“Kaya winika ni Maria. Narito ang lingkod ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ang iyong sinabi, at nilisan siya ng Anghel”. (Lucas 1:38 mula sa Paulines Bible)

MAYROON isang dictum o mahigpit na alituntunin na ipinatutupad sa hanay ng Kasundaluhan na kung tawagin sa wikang Inggles ay “Obey first, before you complain”.

Ang ibig sabihin nito, kapag ikaw ay inutusan ng isang Military official kailangan mong sumunod sa kaniyang utos labag man sa kalooban mo o hindi. Dapat ka munang sumunod sa utos bago ka magreklamo.

Kung paiiralin sana ang ganitong kalakaran sa hanay ng militar sa ating mga sibilyan maaaring ang ilan sa atin ay matututong sumunod sa batas at wala sigurong magrereklamo dahil ang lahat ay disiplinado.

Napakahalaga talaga ang pagsunod. Maging ito man ay batas o isang utos, sapagkat dito makikita ang pagiging disiplinado ng isang tao. Ito ang humuhubog sa kaniyang karakter bilang isang responsableng tao.

Mas lalong maganda kung ang sinusunod mismo natin ay ang mga utos ng ating Panginoong Diyos. Wala sanang matatawag na masamang tao. Dahil ang lahat ay nabuhuhay sa kabutihan, mayroong pag-ibig sa bawat isa, walang magkaka-away at may takot sa Diyos ang bawat tao.

Natunghayan natin sa Mabuting Balita (Lucas 1:26-38) na ang Ina ng ating Panginoong HesuKristo na si Maria ay nagpaubaya sa kagustuhan ng Diyos tulad ng isang mabuting Kawal. Nang kaniyang winika na “Narito ang lingkod ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ang iyong sinabi”.

Ipinagdiriwang natin ang “Immaculate Conception” o ang Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria.

Ito ang araw kung saan ginugunita natin ang pagpili ng Panginoon kay Maria para gampanan ang isang dakilang misyon upang maging Ina ng ating Tagapagligtas na si HesuKristo.

Hindi tumutol si Maria sa plano ng Panginoong Diyos para sa kaniya. Bagama’t nakatakda na sana ang pag-iisang dibdib nila ni Jose. Ang lalaking ipinagkasundo sa kaniya mula sa lahi ni David. (Lk. 1:26-27)

Gayunman, sumunod si Maria sa kagustuhan ng Diyos nang walang reklamo. Sapagkat buong puso siyang nagtiwala sa Panginoon. Hinayaan niya ang Diyos na siyang lumilok sa kaniyang kapalaran bilang Ina ni Hesus. Ang magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. (Lk. 1:31-33)

Itinuturo sa atin ngayon ng Pagbasa na kung magiging masunurin lamang tayo tulad ng Birheng Maria at hahayaan natin ang Panginoong Diyos na siyang kumilos sa ating buhay nakatitiyak tayo na magiging maganda din ang ating kinabukasan at kapalaran.

Sapagkat kung ipauubaya at ipagkakatiwala lamang natin sa Panginoon ang ating buhay katulad ng ginawa ni Maria aayusin din ng Diyos ang ating buhay dahil lagi niyang hinahangad kung ano ang makakabuti para sa atin.

Ngunit may ilan na hindi nagtitiwala sa Diyos kaya sila na mismo ang nagpapatakbo ng kanilang buhay. Subalit ano nga ang kinahihinatnan ng masyado nilang pagtitiwala sa kanilang sarili?

Hindi ba’t may mga tao ang napapariwara ang buhay. Bakit hindi natin hayaan ang Panginoon ang kumilos sa ating buhay, bakit hindi natin siya hayaang lumilok ng ating kaparalaran. Ang kailangan lamang natin gawin ay magtiwala tayo sa kaniya.

Katulad ng pagtitiwala ng Birheng Maria. Nawa’y sabihin din natin na “Narito ang lingkod ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ang iyong sinabi”.

Manalangin Tayo:

Ama namin. Nawa’y sa pamamagitan ng Ebanghelyo, matutunan namin ang magtiwala sa iyo sa halip na pagkatiwalaan namin ang aming sariling kakayahan. Dahil batid namin na kapag ikaw ang kumilos sa aming buhay magiging maganda rin ang aming kapalaran.

AMEN