Louis Biraogo

Maaaring makulong si Guanzon

770 Views

SA wakas ang isang commissioner ng Commission on Elections (Comelec) ay retirado na simula noong Pebrero 2, 2022.

Maalala natin na ibinahagi ni Guanzon sa media ang kanyang boto sa tatlong kasong naghahangad na alisan ng karapatan na lumahok sa darating na halalan si Bongbong Marcos. Ang mga kasong ito ay nakasampa sa First Division ng Comelec kung saan si Guanzon ay ang kakaretirong pinuno. Inihayag ni Guanzon na ang boto niya ay tanggalan nga ng karapatang tumakbo si BBM.

Ang ginawa ni Guanzon ay labag sa batas dahil ang hatol ng First Division ay hindi pa opisyal na inilabas noong siya ay nagsalita sa media.

Section 3(k) ng R.A. 3019 o ang Anti-graft and Corrupt Practices Act ay nagbabawal sa isang opisyal ng gobyerno na maagang isapubliko ang mga ipinagkakatiwalang kaalaman na wala pang kapahintulutang opisyal. Ang Article 154 naman ng Revised Penal Code ay pinarurusahan ang isang opisyal ng gobyerno na isapubliko ng walang kapahintulutan ang isang hatol ng gobyerno bago ito opisyal na ipinalalabas.

Inihayag din ni Guanzon na sadyang pinapapatagal ni Commissioner Aimee Ferolino ang paglabas ng decision ng Unang Dibisyon dahil inaantay ni Ferolino na mag-retiro si Guanzon sa Pebrero 2, 2022.

Wala ng saysay ang anumang sabihin ni Guanzon dahil siya ay retirado na. Ayon sa batas, ang boto ng isang commissioner sa isang kasong pang-eleksiyon ay may bisa lamang kung ang opisyal na kapasiyahan ng Comelec ay nailabas bago ang takdang pag-retiro ng comissioner na ito.

Itinatanggi ni Ferolino ang mga paratang ni Guanzon. Ayon kay Ferolino, pinipilit ni Guanzon na maimpluwensahan siya na bumoto laban kay BBM. Nang napuno si Ferolino sa pangungulit ni Guanzon, kusang iniwasan ni Ferolino si Guanzon para hindi niya makompromiso ang magiging boto niya sa mga kaso laban kay BBM.

Binasa ko ang mga nauukol na mga batas at wala akong nakitang nag-uutos na ilabas ang hatol ng First Division bago ang pagretiro ni Guanzon.

Noong isinampa ang mga kaso laban kay BBM at ang mga ito ay isinatambiyolo sa First Division ng Comelec, alam na ni Guanzon na maaaring maunahan ng kanyang pagretiro ang hatol ng First Division. Samakatuwid, hindi makatarungan na magreklamo si Guanzon na mabagal ang paglabas ni Ferolino ng hatol ng First Division.

Lalo ng hindi kasalanan ni Ferolino na magretiro si Guanzon sa Pebrero 2, 2022.

Para bang gusto ni Guanzon na magtrabaho ang First Division sa kapanahunan bago siya magretiro. Baka naiisip ni Guanzon na siya ang Comelec? Niyatis na atis!

Ngayon, isinawalat din ni Guanzon na may isang senador na sinubukang impluwensahan na bumoto siya para kay BBM. Kahit hindi niya pinangalanan ang gayong senador, idiniin niya na hindi ito si Senadora Imee Marcos.

Lalo pang nag-apoy ang kaguluhang ito ng sabihin ni Guanzon na kung hindi ilabas ni Ferolino ang kapasyahan ng First Division bago siya magretiro noong nakaraang Pebrero 2, 2022, ibubulgar niya ang katauhan ng nanggugulong senador.

Ito’y nakapagtataka.

Ipagpalagay natin na totoo ang kwento ni Guanzon tungkol sa nanggugulong senador, bakit hindi niya ito isinawalat noong nagsimulang impluwensahan siya ng senador na ito?

Ipinagbabawal ng batas ang bawat pagtangkang impluwensahan ang boto ng isang commissioner ng Comelec. Dahil isa ngang commissioner ng Comelec si Guanzon, katungkulan niya, ayon sa batas, na isumbong ang nanggugulong senador sa kinauukulan, o isapubliko man lang. Sa kauna-unahan, bakit inilihim ito ni Guanzon? Bakit natagalan si Guanzon sa pagsiwalat na mayroong nanggugulong senador?

Parang ang ipinahihiwatig ni Guanzon ay hindi niya ibubulgar ang pangalan ng nanggugulong senador kung bibigay si Ferolino sa pangungulit ni Guanzon at sapilitan nitong ilalabas ang hatol ng First Division bago magretiro si Guanzon. Bakit ang legal na katungkulan ni Guanzon na ibulgar ang pangalan ng nanggugulong senador ay nakasalalay sa paglabas ni Ferolino ng kapasyahan ng First Division bago ang sapilitang pagretiro ni Guanzon? Dapat pangalanan ni Guanzon ang gayong senador kahit ilabas o hindi ni Ferolino ang hatol kahit wala sa takda na idinidikta ni Guanzon.

Hiniling ni Atty. George Briones, ang abogado ng kampo ni BBM, na imbestigahan ang mga labag-sa-batas na ginawa ni Guanzon. Dagdag ni Briones na dapat matiwalag sa pag-aabugado si Guanzon.

Bilang sagot, hinamon ni Guanzon si Briones sa isang debate. Ipinagyabang niya ang kanyang pang-akademikong kredensiyal, at ang hilig niya sa pagbabasa.

Nangangatuwiran si Guanzon na ang Comelec ay walang hurisdiksyon na imbestigahan siya dahil maaari lamang siya tanggalin sa kinaluklukan niyang puwesto sa pamamagitan ng impeachment proceedings.

Pumayag si Briones na makipagdebate kay Guanzon, pero nagbago ang isip niya ng tinakot siya umano ni Guanzon na isusumbong siya kay dating senador Juan Ponce Enrile, ka-brod ni Briones sa isang kapatiran sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Iyon ng nga, nagtagumpay si Guanzon at umatras ang magaling na abogado ng BBM camp na si Briones.

Hinamon din umano ni Guanzon si Briones na makipag-boksing sa kanya, isang bagay na hindi ginagawa ng sinumang ginagalang na opisyal ng gobyerno, lalo na kung ito’y isang abogado.

Ngayong hindi na opisyal ng Comelec si Guanzon, hinaharap niya ang posibleng mga kriminal at administratibong kaso na maaaring isampa laban sa kanya.

Uulitin ko, maaaring sampahan ng kaso si Guanzon sa paglabag sa Section 3(k) ng Anti-graft and Corrupt Practices Act, at paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code.

Maaari ding ireklamo si Guanzon ng pag-uugaling hindi nararapat sa isang miyembro ng abugadisya upang ito’y matanggalan ng lisensiya.

Kailangang dalhin si Guanzon sa husgado upang magkaroon ng patas at malinaw na hatol tungkol sa maaaring paglabag niya sa batas.

Siya kaya’y mapaparusahan? Siya kaya’y makukulong?