LTO

Mahal na Araw dapat paghandaan–LTO chief

Jun I Legaspi Apr 10, 2025
28 Views

INATASAN ni Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang lahat ng regional directors at iba pang opisyal ng ahensya na ihanda ang mga plano para sa kaligtasan sa kalsada bilang paghahanda sa libu-libong motorista na bibiyahe ngayong Mahal na Araw.

“Ang direktiba ko tiyaking may sapat na presensya sa mga pangunahing kalsada para sa agarang tulong at mahigpit na pagpapatupad ng batas gayundin ang pagsasagawa ng biglaang inspeksyon sa mga bus terminal upang matiyak na ligtas at maayos ang mga pampasaherong bus,” sabi ni Asec. Mendoza.

“Kailangan din natin matiyak ang mental and physical readiness ng mga driver at konduktor kaya kung kinakailangang magsagawa ng random and surprise drug testing gagawin natin,” dagdag pa niya.

Ang hakbang na ito’y alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na tiyaking ligtas ang lahat ng gumagamit ng kalsada, lalo na ngayong inaasahan ang mahabang biyahe sa Semana Santa.

Inaasahan ng mga awtoridad na magsimula ang pagdagsa ng mga biyahero sa Abril 16, ngunit ayon kay Asec. Mendoza, dapat nang magpakita ng presensya ang mga tauhan ng LTO sa mga kalsada ngayong weekend

Bukod sa mga bus terminal at pangunahing kalsada, sinabi rin ni Asec. Mendoza na magiging visible ang mga tauhan ng LTO sa mga daan patungo sa mga pantalan at paliparan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.

“Bahagi rin ng aking direktiba ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang makatulong sa pagpapatupad ng kanilang seguridad para sa Semana Santa.

Kailangan nating kumilos nang magkakaugnay upang maayos na maisagawa ang mga hakbang para sa kaligtasan at kaayusan,” ani Asec. Mendoza.

Hinimok din ni Asec. Mendoza ang mga motorista na tiyaking maayos ang kondisyon ng kanilang mga sasakyan upang makaiwas sa aberya sa daan o kahit anumang aksidente, lalo na’t karamihan magbibiyahe kasama ang kanilang pamilya.

Mula sa makina, tire pressure, at iba pang bahagi ng mekanismo ng sasakyan, hanggang sa kahandaan ng itatalagang driver—dapat masusing masuri ang lahat ng ito.

“At ang lagi po nating paalala, magbaon ng pasensya dahil tiyak na magkakaroon ng traffic.

Hindi makakatulong ang init ng ulo o road rage sa isang biyahe na sana’y mapayapa at maayos,” ani Asec. Mendoza.