Cong. Martin G Romualdez

Mahigit kalahati ng priority measure ng LEDAC tatapusin ng Kamara bago mag-Pasko

195 Views

BAGO mag-Christmas break, target ni Speaker Martin G. Romualdez na maipasa ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang 16 hanggang 18 sa 30 panukala na prayoridad na maisabatas ng Legislative-Executive Development Advisory (LEDAC).

Ayon kay Romualdez iraratipika rin ng Kamara ang maaprubahang bersyon ng 2023 national budget bago matapos ang taon.

“One of our main priorities is the ratification of next year’s national budget to provide social safety nets for the people and help them recover from the economic displacement caused by COVID-19. We will work harder for our economy to recover with agriculture as the major engine for growth and employment,” sabi ni Romualdez.

Muling magbubukas ang regular na sesyon ng Kongreso na magtatagal hanggang sa Disyembre 16. Sa Enero 23 muling magbubukas ang regular na sesyon ng dalawang Kapulungan.

Sinabi ni Romualdez na maaaring magkaroon ng pagbabago sa panukalang budget para matugunan ang mga pangangailangan ng iba’t ibang sektor ng bansa kasama na ang mga nasalanta ng bagyong Paeng.

Kumpiyansa si Romualdez na matatapos ng Kamara ang 16 hanggang 18 sa mga Common Legislative Agenda (CLA) na tinukoy sa pagpupulong ng LEDAC noong nakaraang buwan.

“We will also speed up the passage of LEDAC-priority bills, including the E-Governance Act and E-Government Act, in response to the appeal of President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.,” dagdag pa ni Romualdez.

Kasama rin sa prayoridad na maipasa, ayon kay Romualdez ang panukalang Medical Reserve Corps, Virology Institute of the Philippines, National Disease Prevention Management, Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) and National Service Training Program, amyenda sa Build-Operate-Transfer Law, Condonation of Unpaid Amortization and Interests of Loans of Agrarian Reform Beneficiaries, Valuation Reform, Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act (PIFITA), Internet Transaction Act, Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE), pagtatayo ng Department of Water Resources, New Philippine Passport Act, Waste-to-Energy Bill, The Magna Carta of Barangay Health Work, at National Government Rightsizing Program.

Susubukan din umanong matapos ng Kamara ang panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers at Budget Modernization.

Natapos na ng Kongreso ang dalawa sa mga prayoridad ng LEDAC bago ang Halloween break. Ito ang pagpapaliban ng Barangay at SK elections at ang SIM Registration bill na pareho ng batas.

Ang nalalabing LEDAC priority ay ang Unified System of Separation, Retirement and Pension bill; National Land Use Act, National Defense Act, paggawa ng batas para sa Natural Gas Industry, Amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), pagtatayo ng mga Regional Specialty Hospitals, pagbalangkas sa Negros Island Region, The Apprenticeship Act, libreng Legal Assistance para sa mga sundalo at iba pang unipormadong tauhan ng gobyerno, pagtatayo ng Leyte Ecological Industrial Zone, at Eastern Visayas Development Authority.