Calendar
Mahigit P.4M droga nakuha sa mag-asawa
TIMBOG ang mag-asawa na nagbebenta ng shabu, marijuana, at marijuana oil vape, pati na ang tatlo nilang parokyano sa ikinasang operasyon ng pulisya Martes ng gabi sa Valenzuela City.
Kaagad na pinasok ng mga tauhan ni P/Lt. Col. Robert Sales, hepe ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) ang bahay ng mag-asawang sina alyas “Rey” at alyas “Daisy”, kapuwa 45-anyos, sa 66 Ilang-Ilang St. Brgy. Maysan nang matanggap ang senyas ng pulis na nagpanggap na buyer dakong alas 10:10 ng gabi.
Dinakip din ng mga operatiba ng DDEU sina alyas “Bhoy”, 44, alyas “Mak”, 33, at alyas “Angel” 40, nang abutan sa aktong sumisinghot ng shabu sa loob ng bahay ng mag-asawa na ginagamit din bilang drug den.
Sa tinanggap na ulat ni NPD Acting Director P/Col. Josefino Ligan, nagkasa ng operasyon ang mga tauhan ng DDEU laban sa mag-asawa matapos mag-positibo ang natanggap na impormasyon na hindi lang shabu kundi maging pinatuyong dahon ng marijuana at marijuana oil vape ang ibinebenta nila sa kanilang mga parokyano.
Sinabi ni Col. Sales na nakumpiska nila sa bahay ng mga suspek ang 60-gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P408,000.00, 17.97 gramo ng pinatuyong dahon na marijuana na katumbas ng P2,156, marijuana oil vape na nagkakahalaga ng P21,000, iba’t-ibang uri ng drug paraphernalia, weighing scale at ang P4,500 na markadong salapi na ginamit sa buy-bust operation.
Nakatakdang i-prisinta ng mga tauhan ng DDEU ang limang nadakip sa Valenzuela City Prosecutor’s Office upang isailalim sa inquest proceedings kaugnay sa mga patong-patong na kasong kanilang kakaharapin.