Louis Biraogo

Mahinang pamumuno ni Robredo – gusto ng komunista at oligarkiya

616 Views

NASAKSIHAN na natin ang kakayahan ni Leni Robredo bilang isang mamumuno sa anim na taon na siya’y naglingkod bilang Pangalawang Pangulo ng ating bansa – mahina ang kakayahang pagpapasiya sa mga hamon na kinakaharap ng bansa at mahina din ang kakayahang magpapatupad ng mga tungkuling pang-ehekutibo.

May mga iilan na tinuturo ang mga diploma ni Robredo sa iba’t ibang pag-aaral sa kolehiyo bilang pagpapatunay sa kakayahan nito. Ngunit, alam nating lahat na hindi sapat ang mga karangalan na nakukuha sa mga paaralan upang matiyak ang kakayahan ng isang tao sa totoong buhay o aktuwal na sitwasyon. May mga kaibigan akong nagtapos pa sa mga konserbatoryo ng musika sa pag-aaral ng pagkanta ngunit hindi makayanang kumanta sa harap ng isang madla dahil sa sobrang takot. At nang napilitang napakanta sa harap ng isang madla, asintonado ang pinakamagaling na kinahihinatnan. Ganyan ang pagtatasa ko sa kakayahan ni Robredo bilang isang mamumuno.

Marami ang nakapagsasabi na si Robredo ay “lutang” at “wala dito’t wala doon” kung sumagot sa mga katanungan na nangagaling sa midya. Ang hinala ko ay dahil si Robredo ay umaasa lamang sa mga tagabulong o tagasanay (coach), kaya madalas ay nagiging “lutang” o walang katiyakan ang nagiging katayuan sa mga pag-uusisa ng midya. Maaaring ang dahilan sa mga ganitong pangyayari ay ang mali, o hindi kaya, kakulangan sa paghahanda na ginawa ng tagabulong o tagasanay nito.

Si Robredo ay walang likas at malakas na prinsipyo o paniniwala na pagmumulan ng kanyang mga sagot sa mga katanungang kinakaharap. Wala din siyang sariling kakayahan sa paglutas ng mga problema sa pamumuno at baka umaasa na lang din siya sa mga taga-sunod o alalay.

Ang ganitong pinuno ay madalas nakaka-akit ng mga mapagmanipula na mga “adviser”, tagabulong o tagasanay na pang-sariling interes lamang ang layunin.

Kaya tumpak ang mga katangiang ito ni Robredo sa layunin ng komunista dito sa atin. Ang layunin ng komunista ay agawin ang kapangyarihan ng estado at palitan ng sistema ng pamahalaan na naaayon sa kanilang ideyolohiya. Mahihirapang agawin ng mga komunista ang kapangyarihan ng estado kung ang namumuno ay matatag ang paniniwala sa sistema na demokrasya; ganun din kung ang namumuno ay may malakas na paninindigan sa kanyang katungkulan sa bansa.

Ang isang namumunong “lutang” at “wala dito’t wala doon” ang paninindigan ay madaling mapaikutan o mauto ng mga nagmamanipula.

Kaya, maintindihan na natin ngayon kung bakit si Robredo ang itinutulak ng mga komunista na magiging Pangulo ng bansa. Hindi ba nakakapagtataka na ang nararapat isulong ng komunista na kandidato sa pagka-Pangulo ay si Ka Leody de Guzman dahil ang mga paniniwala at doktrina na dala niya’y halos hindi nagkakaiba sa komunismo?

Tandaan natin na sa sistema ng komunismo, hindi demokrasya ang pamamaraan, kundi diktatorya ng Partido Komunista. Ang partido ang nagsisilbing ehekutibo at lehislatura, kaya ito’y taliwas sa sistema na sinusunod natin sa kasalukuyan. Sa kasalukuyang sistema, ang taumbayan ang namumuno sa pamamagitan ng kanilang mga napiling mga miyembro ng lehislatura at ehkutibo. Ang mga napiling mamumuno ng taumbayan ay nanunungkulan sa magkahiwalay na sanga ng pamahalaan kung saan sila’y magbabantayan ng maaaring pagmamalabis at pangungurakot.

Hindi lang ang mga komunista ang naghahangad na mailuklok ang isang mahinang pinuno. Nandiyan din ang mga oligarkiya na nais sukulin ang pananalapi sa ating bansa. Nakita natin na binulgar ang mga katiwalian ng oligarkiya ni Pangulong Rodrigo R. Duterte. Ang mga tiwaling ito’y pinagbayad ng mga buwis at multa. Natigil ang pang-aabuso ng oligarkiya ng kasalukuyang Pangulo.

Siyempre, ayaw ng oligarkiya na ang sumunod na Pangulo ay isang matatag din katulad ni Duterte. Ang gusto nila ay ang Pangulong mahina at madaling masulsulan na sumunod sa mga madidilim nilang hangarin. Kaya makikita natin na tinutustusan ng bilyung-bilyong salapi ng oligarkiya ang kampanya ni Robredo upang mabaon ito sa utang na loob at madaling manipulahin kung sakali ito’y nalulok sa Malacañang.

Mga kababayan, huwag natin ipaubaya ang pangangalakal ng bansa sa mga gahaman at makasariling oligarkiya. Sa kanilang pamamalakad, sila lang ang uunlad habang tayong lahat ay patuloy na magsilanguyan sa kahirapan.

Mga kababayan, huwag din nating ibigay ang kapangyarihan ng estado sa mga komunista. Iboto natin ang isang maprinsipyo at matatag na pangulo, na ang kapakanan ng mga mamayan ang isusulong.

Huwag natin iboto si Robredo. Mapanganib.