Momo

Maibabalik pa rin ang tiwala ng publiko sa Kamara -Rep. Momo

Mar Rodriguez Nov 13, 2025
288 Views

NANINIWALA ang Chairman ng House Committee on Public Works na si Surigao del Sur 1st District Representative Romeo S. Momo na maibabalik parin ang tiwala ng publiko sa Kamara de Representantes sa gitna ng anomalya sa bilyon-pisong flood control projects.

Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Momo na hindi naman lahat ng mamamayan ay nawalan ng tiwala sa mga kongresista sapagkat mayroon parin naman ang naniniwala na may mga mambabatas ang tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.

Kumpiyansa ang kongresista na kung magsusumikap lamang silang mga mambabatas at tapat nilang pagsisilbihan ang kanilang mga constituents ay maaaring unti-unting maibabalik ang tiwala ng mamamayan sa mga miyembro ng Kamara.

Ipinahayag pa ni Momo na sila bilang mga district congressman, naroon pa rin aniya ang tiwala ng kanilang constituents sa kabila ng mga pagbatikos ng ilang mamamayan sa kanilang lalawigan dulot ng flood control project fiasco kung saan aminado siya na naapektuhan din sila.

” Mayroon kaming mga sariling distrito, sa mga lugar kung saan kami nanggaling. Sa tingin ko may tiwala pa naman sa amin ang mga tao, in my district for example there are criticisms because of this fiasco but again, majority of those who believe on us, who voted on us, who trusted on us still believes the we are performing well while we are here in Congress,” sabi pa ng kongresista.