Bully Source: PIDS

Maigting na program vs bullying sa paaralan isinusulong

23 Views

MULING isinulong ni Senador Win Gatchalian ang mas pinaigting na mga programa upang masugpo ang bullying sa mga paaralan.

Kasunod ito ng inisyatibo ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na amyendahan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (RA) No. 10627 o ang Anti-Bullying Act of 2013.

Matatandaang isinumite kamakailan ng EDCOM II sa Department of Education (DepEd) ang mga panukala nitong mga rebisyon sa IRR ng naturang batas.

Iminumungkahi ng EDCOM II ang paglikha ng Learner Rights and Protection Office (LRPO) na mangunguna sa pagbalangkas ng Framework at Standards para sa mga programa laban sa bullying.

Itatala ng LRPO ang mga kaso ng bullying, resulta ng mga imbestigasyon, at mga aksyong ginawa ng mga paaralan.

Iniulat ng EDCOM II na sa kabila ng pagsasabatas ng Anti-Bullying Act of 2013, hindi naging pare-pareho ang pagpapatupad ng mga paaralan dito sa mga limitasyon sa polisiya, iba’t ibang antas ng kasanayan ng mga paaralan, at kakulangan ng mga kwalipikadong kawani.

Isang hamon halimbawa ang kakulangan ng mga guidance counselor na may mahalaga sanang papel sa pagpapatupad ng mga programang kontra bullying.

Matatandaan ding batay sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), isa sa tatlong mga mag-aaral na Pilipinong 15 taong gulang ang nakararanas ng bullying isang beses sa isang linggo.

Umaangkop naman ang mga panukalang rebisyon sa IRR ng anti-bullying law ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act o RA 12080 na isinulong ni Gatchalian.

Minamandato ng naturang batas na ito ang pagkakaroon ng School-Based Mental Health Program upang pangalagaan ang mental health at kapakanan ng mga mag-aaral.

Upang matugunan ang kakulangan ng mga guidance counselor, nilikha ng batas ang mga posisyong school counselor at school counselor associate.

Magiging mandato sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa elementarya at high school na magkaroon ng localized anti-bullying policies na rerepasuhin nang regular.

Magtatalaga rin ang bawat paaralan ng discipline officers upang ipatupad ang polisiya ng mga paaralan at bantayan ang kilos ng mga mag-aaral.

Sa ilalim ng mga panukalang rebisyon sa IRR ng anti-bullying law, magiging responsibilidad ng school counselors at school counselor associates ang pagtiyak sa kaligtasan at kapakanan ng mga biktima ng bullying, mismong mga bully, mga impormante, at mga bystander o mga saksi sa mga insidente ng bullying.

Magsasagawa rin sila ng capacity-building activities para sa mga guro at iba pang personnel, pati na rin mga programang magpapaigting sa kaalaman ng school stakeholders tulad ng mga magulang, parent-substitutes, mga mag-aaral at iba pa.