ROTC

Mainit na bakbakan sa ROTC Games sa Zamboanga

128 Views
ZAMBOANGA City — Simula na ang bakbakan sa edition 2 ng Philippine Reserve Officers Training Course (ROTC) Games 2024-Mindanao qualifying leg ngayong araw sa Joaquin F. Enriquez Memorial Sports Complex (JFEMSC) Track Oval.
Humigit kumulang sa 2,000 cadet-athletes mula sa colleges at universities sa Mindanao ang magpapaligsahan ng galing sa multi-sports kompetisyon na  magsisimula ngayong araw at magtatapos sa Hunyo 29.
Ayon kay Mayor John Dalipe, pinakilos na nito ang kanyang mga bataan upang maibigay lahat ng kailangan at maging matagumpay ang pag host ng Zamboanga sa nasabing event sa pangalawang sunod na taon.
Maghaharap ang mga kadete mula sa Philippine Army, Philippine Air Force at Philippine Navy sa 15 sports disciplines na katuwang ang Philippine Sports Commission, (PSC) sa pamumuno ni Chairman Richard Bachmann sa pag-organisa.
Sasabakan ng mga cadet athletes ang arnis, athletics, basketball, boxing, chess, E-Sports, kickboxing, sepak takraw, swimming, table tennis, taekwondo, target shooting, volleyball at raiders competition kasama ang Ms. ROTC 2024.
Sa naganap na mga solidarity meetings kahapon ay nilarga ang tagisan ng isip sa chess event at dahil standard format ng labanan ay rounds 1 at 2 lang ang isinagawa.
Banggaan agad ng katawan sa paghablot ng bola ang cagers mula sa Phil. Army at Air Force cadets sa Basketball na magsisimula ngayong alas-8 ng umaga sa Unibersidad De Zamboanga Summit, Grandstand Open Court.
Aarangkada na rin ang swimming competition sa alas-8:30 ng umaga na gaganapin sa JFEMSC swimming pool, lalanguyan nila ang 200m individual medley, 100m freestyle, 50m backstroke at 200m breastroke.
Ang ibang event na ilalarga ay ang target shooting, volleyball, chess, sepak takraw at table tennis.
Nauna nang nagpasiklaban ang mga cadet athletes sa Visayas Leg sa Bacolod City noong Mayo 26 hanggang Hunyo 1 at pagkatapos ng Mindanao Leg ay sunod na ang Luzon leg sa Indang, Cavite sa Hulyo 28 hanggang Agosto 3.
At saka magsasama-sama ang mga kampeon sa tatlong legs para magbanatan sa National Championship sa Indang, Cavite ulit sa Agosto 18-24.
Si Senador Francis “Tol” Tolentino ang utak ng nasabing event para sa cadet athletes.
Samantala, nahirang na Ms. ROTC 2024 si Juliane Terece Claudete R. Faustino ng Philippine Navy mula sa Universidad de Zamboanga na ginanap sa Western Mindanao State University Gymnasium, noong Sabado ng gabi.