Calendar
Majority ng mga Pinoy, gusto si Sec. Tulfo sa DSWD
MAJORITY sa mga Pinoy ay gusto nila si Secretary Erwin Tulfo upang pamunuan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ito ay batay na rin inilabas na pinakahuling resulta ng Tugon ng Masa (TNM) National Survey, na isang independiyente at non-commissioned, na regular na isinasagawa ng OCTA Research Group bilang serbisyo-publiko.
Batay sa resulta ng naturang survey, nakakuha si Tulfo, bilang DSWD Secretary, ng trust rating na 96% sa Mindanao; 92% sa Visayas; 91% sa National Capital Region (NCR) at 89% naman sa Balanced Luzon.
Base naman sa socio-economic class, nakakuha ang kalihim ng highest trust performance rating na 93% sa Class D, habang ang Class ABC at E ay pawang nasa 87% naman.
Lumitaw rin sa survey na mataas ang awareness ng mga Pinoy na si Tulfo ang kalihim ng DSWD sa ngayon.
Nabatid na bukod kina Pang. Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Secretary Sara Duterte, si Tulfo lamang ang nakakuha ng 100% awareness sa mga adult Filipinos, kumpara sa iba pang miyembro ng gabinete.
Sumunod sa kanya si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr., na nakakuha ng 85% at Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy, na mayroon namang 81%.
Samantala, pagdating naman sa performance bilang kalihim ng DSWD, nasa 76% ng mga adult Filipinos ang satisfied o kuntento sa kanyang performance.
Nakakuha si Tulfo ng highest satisfaction performance rating na 89% sa National Capital Region (NCR); habang 84% naman ang nakuha niya sa Visayas; 81% sa Mindanao at 67% sa Balanced Luzon.
Base sa socio-economic class, nakakuha siya ng highest satisfaction performance rating na 89% sa Class E; 75% sa Class D at 68% naman sa Class ABC.
Nabatid rin sa survey na kabilang sa limang pangunahing katangian ni Tulfo na gusto ng mga Pinoys ay ang kanyang: 1) Katapangan (45%); 2) Pagtulong sa mahihirap (40%); 3) Kasipagan (26%); 4) Paglaban sa mga anomalya sa pamahalaan (26%); 5) Katapatan at mapagkakatiwalaan (23%).
Ang naturang pinakahuling Tugon ng Masa (TNM) National Survey, na mayroong margin of error na ±3%, ay isinagawa noong Oktubre 23 hanggang 27 at mayroong 1,200 na male at female probability respondents na nagkakaedad ng 18-taong gulang at pataas mula sa mga tahanang kabilang sa Class A, B, C, D at E.