bro marianito

Makaka-ahon ka sa mga problema mo sa buhay kung buo ang pananalig mo sa diyos (Mateo 8:23-27)

290 Views

“Dahil sa labis na takot, si Jesus ay nilapitan at ginising ng mga Alagad. “Panginoon, tulungan ninyo kami! Lulubog na tayo”. (Mateo 8:25)

MAY kakilala ba kayong tao na sobrang matatakutin o sobrang nerbiyoso? Iyon bang taong pinangingibabawan agad ng sobrang takot kaya hindi na siya tuloy nakakapag-isip ng mga paraan o remedyo para solusyunan ang problemang kinakaharap niya.

Katulad din taong nerbiyoso ang taong sobra namang negatibo. Hindi narin nakakapag-isip ng paraan ang mga ganitong tao upang solusyunan ang isang problema. Sapagkat ang iniisip kaagad nila ay negatibo o kaya naman ay imposible sa halip na maging posible.

Kaya kapag nahaharap sa isang masalimuot at komplikadong sitwasyon ang isang taong matatakutin at negatibo pa kung mag-isip. Lalo lamang niyang ibinabaon ang kaniyang sarili sa kumunoy dahil ang iniisip niya ay yung problema sa halip na mag-isip ng solusyon.

Kaya ganito ang kanilang pananaw sa buhay ay dahil nagkukulang sila ng dalawang bagay na kailangan nilang matutunan at taglayin upang magkaroon sila ng katatagan sa harap ng mga problema at pagsubok. Ito ay ang pagtitiwala at pananampalataya.

Kung nagtitiwala ka sa Diyos, hindi ka makakaramdam ng takot sa harap ng mga problema. Sapagkat alam mong hindi ka niya pababayaan at kung malakas ang iyong pananampalataya, lalong hindi ka rin magiging negatibo dahil alam mong walang imposible sa kaniya.

Ganito ang mensahe sa atin ngayon ng Mabuting Balita (Mateo 8:23-27) patungkol sa mga Alagad ng ating Panginoong HesuKristo na pinangibabawan ng sobrang takot matapos silang maharap sa isang masalimuot na sitwasyon.

Kakatwa ang naging sitwasyon ng mga Disipulo dahil naturingan pa naman silang mga Alagad. Ngunit sila pa itong natakot at hinayaan nilang lamunin sila ng sobrang pag-aalala dahil sa pagbugso ng malakas na unos habang sila’y naglalayag. (Mateo 8:24)

Sa tuwing tayo’y mahaharap sa isang mabigat na problema, ang kauna-unahang dapat natin gawin ay pansamantalang manahimik at ipikit ang ating mga mata at mataimtim tayong manalangin sa Panginoong Diyos na tulungan nawa tayo sa ating pinagdadaanan.

Sapagkat sa pamamagitan ng panalangin ay ipapa-isip sa atin ng Panginoon sa tulong ng Banal na Espiritu (Holy Spirit) ang mga bagay na dapat nating gawin upang tayo ay makahulagpos sa mga problemang kinasasadlakan natin sa buhay.

Sa tingin niyo ba’y makakatulong ang sobrang pag-aalala? Masusulusyunan ba ng sobrang nerbisyos (kagaya ng ginawa ng mga Alagad) ang isang problema? Ang iba naman ay dinadaan na lamang sa paglalasing at pagdo-droga ang kanilang mga problema.

Kaya sa halip na magkaroon ng solusyon ang mga suliranin at pagsubok na pinagdadaanan nila sa buhay ay lalo lamang lumalaki ang kanilang mga problema dahil lalo lamang nila itong dinadagdagan.

Ang kawalan natin ng pananampalataya sa harap ng mga pagsubok sa buhay ay katulad din ng isang “latang walang laman”. Kapag wala tayong pananampalataya, hindi ba’t wala rin tayong naiisip na solusyon kasi wala tayong pagtitiwala sa Panginoong Diyos.

Katulad din tayo minsan ng mga Alagad na parang mga latang walang laman (maingay) sapagkat mabilis din tayong natataranta at natatakot kapag bumubugso sa buhay natin ang unos. Kaya sa sobrang pag-aalala nasasabi din natin: “Panginoon tulungan mo kami at lulubog na tayo”. (Mateo 8:25)

Kapag solido naman ang ating pananampalataya sa Diyos, katulad naman ito ng “latang may laman”. Tahimik lamang natin itong hinaharap at sa halip na matigatig tayo. Idinadaan na lamang natin ito sa pananalangin para hingin ang tulong ng Panginoon.

Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na kapag tayo ay dumadaan sa isang mabigat na pagsubok sa buhay. Ang kailangan lamang natin gawin ay mag-focus tayo sa Panginoong sa pamamagitan ng pananalangin at pagkakaroon ng matibay na pananampalataya.

Kung iisipin mo na hindi ka pababayaan ng Diyos, makatitiyak ka na magkakaroon ng solusyon ang iyong mga problema sa buhay. Subalit kung ang iisipin mo ay walang maitutulong ang Diyos sa iyo. Huwag ka ng umasa na makakaahon ka sa problema mo.

Paano kang makakabangon at makakaahon sa mga problema mo kung wala ka pa lang tiwala at pananampalataya sa Panginoong Diyos? Wala itong pinagkaiba sa isang pasyenteng walang tiwala sa Doktor. Paano ka gagaling kung diskumpiyado ka sa Doktor mo?

AMEN