Malabon

Malabon LGU may back-to-back na tagumpay sa pagseserbisyo

47 Views

Malabon1SA patuloy na pagsisikap at dedikasyon sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyo para sa mga Malabueño, muling nakamit ng pamahalaang lungsod ng Malabon ang Seal of Good Local Governance (SGLG) mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) para sa taong 2024.

Ito ang ikalawang SGLG na iginawad sa pamahalaang lungsod sa administrasyon ni Mayor Jeannie Sandoval.

“Ang ikalawang SGLG na ito sa ating termino ang nagpapatunay na hindi tayo tumutigil sa pagbuo pagbibigay ng dekalidad na programa at serbisyo para sa ating mga kapwa Malabueño. Layunin natin na mas gawing epektibo pa ang mga programang mayroon tayo para kaligtasan, kapakanan, kabuhayan, at paglinang ng kakayanan at talento ng ating mga kababayan,” ani Mayor Jeannie.

Tinanggap ng punong lungsod ang parangal sa ginanap na Seal of Good Local Governance 2024 Awarding Ceremony sa Manila Hotel noong Lunes, Disyembre 9. Kasama niya sina DILG-Malabon Director Jess Marie Acoba, City Administrator Dr. Alexander Rosete, at City Planning and Development Department Officer-in-Charge Ms. Shela Cabrera.

Ang SGLG ay nagsisilbing pagkilala para sa mabuting pamamahala ng mga lokal na pamahalaan na nagtataguyod ng mga halaga ng integridad at kahusayan sa paghahatid ng mga pampublikong serbisyo. Pinararangalan nito ang mga LGU sa kanilang mabisang pagpapatupad ng mga programa para sa kapakanan ng mga residente.

Upang matanggap ang SGLG, ang mga pamahalaang lungsod ay kailangang pumasa sa mga assessment sa 10 sektor ng pamamahala kabilang ang Financial Management and Sustainability, Disaster Readiness, Social Welfare and Empathy, Health Compliance and Responsiveness, Sustainable Education, Business Competitiveness, Safety, Peace and Order, Environmental Oversight, Tourism, Heritage Promotion, and Youth Advancement.

“Maraming salamat DILG, sa pangunguna ni Secretary Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla, sa pagkilala sa lungsod ng Malabon bilang isa sa mga lungsod na nakatanggap ng Seal of Good Local Governance para sa taong ito. Ang tagumpay na ito ay ating nakamit dahil sa ating pagkakaisa at pagtutulungan sa pagpapatupad ng mga programa para sa ikauunlad ng bawat Malabueño. Kami sa pamahalaang lungsod ng Malabon ay magpapatuloy sa pagbibigay ng napapanahon at dekalidad na mga programa tungo sa patuloy na pag-unlad,” ayon kay City Administrator Dr. Alexander Rosete.

Natanggap din ni Mayor Jeannie ang Asian Heroes 2024 coffee table book mula sa may-akda nito na si Dr. Maria Rosa Bing Carrion, na kumikilala sa mga lider at propesyonal na may malaking kontribusyon sa kani-kanilang larangan para sa layuning gawing mas magandang lugar ang mundo . Si Mayor Jeannie ay kabilang sa mga natatanging indibidwal na ang buhay ay itinampok sa aklat.

Pinarangalan din ng pamahalaang lungsod para rin sa kahusayan sa serbisyo publiko sa 2024 Urban Governance Exemplar Awards noong Oktubre 28. Dito ay kinilala ang Malabon bilang Top Performing Local Government Unit (LGU) sa Peace and Order Council (POC) Performance Audit at sa Anti-Drug Abuse Council (ADAC) Performance Audit.

Noong Nobyembre 28, si Mayor Jeannie ay kinilala din bilang “Local Chief Executive of the Year,” habang ang Malabon ay hinirang na “Most Sustainable and Livable City” para sa kanyang huwarang pamumuno na nagdulot ng matagumpay na pagpapatupad ng mga programa ng LGU para sa sustainability at sa pangangalaga ng kapaligiran.