Calendar
Malabon nagpakita ng suporta kina BBM, Mayor Sara
LIBU-LIBONG residente ang nagsama-sama upang ipakita ang kanilang suporta kina presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential candidate Sara Duterte.
Mainit ang naging pagtanggap kina Marcos at Duterte at dinagsa ang kanilang rally sa Pinagtipunan Circle matapos ang isinagawang caravan mula Dagat-dagatan hanggang Potrero.
Nagpasalamat naman sina Duterte at Marcos sa mga nagpakita ng suporta.
“Maraming salamat po sa inyong lahat dito sa Malabon sa oras at oportunidad na ibingay ninyo sa amin na makasama kayo, makilala kayo, at makapagbigay ng mensahe para sa inyong lahat,” sabi ni Duterte.
Ayon kay Marcos ang mainit na pagtanggap sa kanila ay patunay na pabor ang publiko sa kanilang isinusulong na pagkakaisa para makabangon ang bansa.
“Ang inyong mainit na pagtanggap sa UniTeam ay hindi lang po pahayag sa pagsuporta niyo sa akin, kay Inday Sara, at sa mga senador ng UniTeam, kung hindi kayo ay sang-ayon sa aking adbokasiya at hangarin ng pagkakaisa ng sambayanang Pilipino,” sabi ni Marcos.
Ang tandem ay sinamahan ng UniTeam senatorial candidate na sina Sherwin Gatchalian, Loren Legarda, Mark Villar, Harry Roque, Dante Marcoleta, Robin Padilla at Gibo Teodoro. Dumalo rin si Janella Estrada bilang kinatawan ng kanyang amang si Jinggoy Estrada.
Ang actor-singer na si Randy Santiago at komedyanteng si Brad Pete ang nagsilbing host sa event samantalang nag-perform din ang rapper na si Andrew E at MYMP.