Remulla

Malacanang di hinarang pagdinig sa Senado ukol sa pag-aresto kay Digong

36 Views

HINDI totoo ‘yan.”

Ito ang sagot ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa mga alegasyong sinubukan ng Malacañang hadlangan o impluwensyahan ang pagdinig na pinamunuan ni Sen. Imee Marcos ukol sa issue ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Hindi at hindi kami nagkausap kaugnay niyan,” ani Escudero.

Nilinaw ng Senate president na sa ilalim ng kanyang pamumuno, hindi niya papayagan na panghimasukan ng anumang panlabas na puwersa ang Senado, lalo na sa mga sensitibong usaping may kinalaman sa International Criminal Court (ICC).

“Sa ngayon wala pa yata ang pangalawang hearing na ini-schedule. So tila naging sapat ang unang pagdinig,” ani Escudero.

Kinilala niya ang karapatan ni Sen. Marcos bilang tagapangulo ng komite na magpatawag ng pagdinig muli at mag-imbita ng mga resource persons.

Dagdag pa niya, nakatulong umano ang pagdinig ni Marcos upang linawin ng executive branch kung ano talaga ang nangyari sa pag-aresto sa dating presidente.

Sinagot din ni Escudero ang paghahambing sa pagitan ng mga kaso nina dating Congressman Arnie Teves at dating Pangulong Duterte, lalo na tungkol sa usapin ng warrant of arrest.

Paliwanag niya si Teves may aktibong kaso sa Pilipinas, kaya’t malinaw ang legal na basehan para sa kanyang pag-aresto. Si Duterte walang kinahaharap na kaso sa bansa.

Binanggit din ni Escudero na bagama’t hindi na kasapi sa ICC ang Pilipinas, nakipagtulungan pa rin ito sa ilang pagkakataon sa Interpol kaugnay ng red notices.