Magi Gunigundo

Malaki ang papel ng Filipino Sign Language sa PH hukuman

89 Views

TINAMPOK sa huling linggo ng Setyembre ang Pandaigdigang Linggo ng mga Bingi at nag-umpisa ito sa Pandaigdigang Araw ng Sign Language noon Setyembre 23,2024. Para sa isang inklusibong lipunan, napakahalaga ng wikang senyas sapagkat ito ang pangunahing paraan upang maunawaan natin ang mga bingi at maunawaan din nila tayong may pandinig. Ang Filipino Sign Language(FSL) ang pambansang senyas na wika ng mga bingi sa Pilipinas (RA 11106), bilang pagsunod sa United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities, na magagamit ng mga bingi sa edukasyon, kalusugan, broadcast media, sa trabaho,sa mga tanggapan ng pamahalaan(nasyonal, lokal, at mga government owned or controlled offices) at sa pagkamit ng katarungan.

Noong sinaunang panahon, ang mga bingi at pipi ay tinuturing na walang kapasidad na tumestigo bilang saksi, biktima o akusado sa anumang kasong sibil o kriminal. Sa modernong panahon ngayon, kwalipikado nang tumestigo ang mga bingi at pipi sapagkat tinuturing na silang may sapat na pag-iisip at kakayahan na magsalaysay ng kanilang namasid sa wikang pansenyas na mauunawaan ng hukuman sa salin ng FSL interpreter (Seksyon 6 ng RA 11106), at pinapahalagahan ng bingi ang obligasyon ng panunumpa ng isang testigo na magsasabi ng katotohan sapagkat haharapin niya ang parusa sa pagsisinungaling. Ang isang bingi na saksi ay maaari rin suriin sa pamamagitan ng mga nakasulat na tanong kung saan siya ay nagbibigay ng nakasulat na mga sagot. Ito ay tugma sa sinasabi ng Seksyon 21, Rule 130 (2019 Revised Rules on Evidence) na lahat ng tao na nakakapagmasid,at kaya nilang ipaunawa ang kanilang namasid ay maaaring tumestigo sa hukuman. Samakatuwid, maaaring tumestigo ang isang bingi sa kanyang nakita, naamoy, nalasahan,nahipo o naranasan na magpapatotoo ng isang pangyayari gamit ang FSL o ano man ibang paraan.

Malaki ang papel ng FSL sa ating hukuman, at tumatagos ito sa mga istasyon ng pulisya, Lupong Tagapamayapa at VAWC ng barangay na kailangan magbigay ng FSL interpreter para sa mga binging nagrereklamo, nirereklamo o tumatayong saksi sa usapin.

Ang Korte Suprema , Department of Justice , at Department of the Interior and Local Government ay inatasan ng RA 11106 na magsulong ng angkop na pagsasanay para sa mga nagtatrabaho sa pangangasiwa ng hustisya, kabilang ang mga interpreter sa pagdinig, mga deaf relay interpreter, at iba pang tauhan ng hukuman, pulis at kawani ng bilangguan.

Ang kawalan ng FSL interpreter sa paglilitis ay maaaring maging dahilan sa pagka-abswelto ng akusado. Sa People v Hayag (November 17, 1980) pinawalang sala ang akusado sa kasong rape ng isang 32 anyos na bingi. Ang depensa ng akusado ay magkasintahan sila ng biktima. Bukod sa walang medico-legal certificate na isinumite ang taga-usig, kulang din ng detalye kung paano nilabanan ng biktima ang akusadong hinalay siya ng ilang beses sa magkakaibang araw. Nang tumestigo, ang biktima ay gumamit ng mga senyas na walang nakakaalam ng kahulugan maliban sa kanyang kapatid na babae na isang guro ( ngunit hindi ng mga bingi) na tumayong interpreter at ito ay pinagdudahan ng Korte Suprema na may pagkiling sa biktima at maaaring dinagdagan ng guro ang testimonya ng kapatid upang mahatulan ang akusado.

Sa dalawang magkaibang kaso, pinanigan ng hukuman ang menor de edad na binging biktima sapagkat may tumayong deaf interpreter mula sa paaralan ng mga deaf mute kung saan nag-aaral ang biktima. Ang mga detalye ng panghahalay ay maliwanag at sinuhayan pa ito ng medico-legal report na nagpapatunay ng rape (People vs. De Leon, 50 Phil. 539, People vs. Sasota, 52 Phil. 281).

Walang kaduda-duda na mahalaga ang FSL sa sistema ng hustisya sa pagtuklas ng katotohanan batay sa testimonya ng mga bingi. Magalang nating hinihiling na apurahin na po ng Korte Suprema at mga ahensiya ng estado ang pagbuo ng regulasyon sa pagtataguyod at pagsasanay ng mga FSL interpreters sa lahat ng yugto ng sistema ng katarungan. Ni Magi Gunigundo