Martin2

Malasakit sa Pilipino binigyan-diin sa budget na ginawa ng Kamara

299 Views

BINIGYANG halaga ng Kamara de Representantes sa ginawa nitong pagbabago sa panukalang budget para sa 2023 ang mga programa at proyekto na dapat unahing mapondohan ng gobyerno.

Ayon kay Speaker Martin G. Romualdez natukoy ng Kamara ang P77.5 bilyong pondo sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP) na maaaring ilipat sa mahahalagang proyekto at programa na sa pagtataya ng mga mambabatas ay dapat na mapondohan.

Sinabi ni Romualdez na ang mga programa at proyekto na natukoy ng Kamara na dapat mapondohan sa susunod na taon ay nasa sektor ng edukasyon, kalusugan, at kalikasan.

Plano ng Kamara na dagdagan ng P20.25 bilyon ang pondo ng Department of Health (DOH) para sa mga programa nitong Medical Assistance for Indigent Patients (P13 bilyon); allowance ng mga healthcare at non-healthcare workers at iba pang frontliners (P5 bilyon); dagdag na pondo para sa Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute at Philippine Children’s Medical Center Health (tig-P500 milyon); 10 dialysis assistance centers (tig-P27 milyn0; Cancer Assistance Program (P250 milyon); at UP-Philippine General Hospital (P500 milyon).

May idaragdag ding P10 bilyon sa Department of Education para sa pagtatayo ng mga silid-aralan (P10 bilyon), at special education programs (P581 milyon).

May ilalagay ding P10 bilyon sa Department of Public Works and Highways para sa pagtatayo ng mga water system sa mga piling barangay.

Ang Department of Social Welfare and Development ay daragdagan naman ng P12.5 bilyon para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (P5 bilyon); dagdag na social pension ng mga senior citizens (P5 bilyon); at Sustainable Livelihood Program (P2.5 bilyon).

May P5.5 bilyon naman ang Department of Transportation para sa fuel subsidy program, Libreng Sakay at pagtatayo ng mga bike lane.

Ang Technical Education and Skills Development Authority ay may P5 bilyon para sa training at scholarship program nito samantalang ang Commission on Higher Education ay may P5 bilyon para sa Tulong Dunong Program.

Ang Department of Labor and Employment ay bibigyan ng P5 bilyon para sa livelihood and emergency employment programs nito samantalang ang Department of Information and Communications Technology ay may P1.5 bilyon para sa national broadband project nito.

Ang Commission on Elections ay may P500 milyon para sa ipatatayo nitong bagong gusali samantalang may inilaang P300 milyon para sa pagsasanay ng mga bagong pulis na isasagawa ng Department of Justice at National Prosecution Service.

Ang Department of Trade and Industry ay bibigyan ng P250 milyon para tulungan ang creative industry alinsunod sa Republic Act 11904 at ang Energy Regulatory Commission ay may P150 milyon.

Ang Office of the Solicitor General ay may dagdag na P147 milyon samantalang P50 milyon naman para sa barangay and sitio electrification program ng National Electrification Administration.

Pinuri ni Speaker Romualdez sina Appropriations Committee chairman Rep. Zaldy Co at Senior Vice chair Rep. Stella Quimbo sa mabilis na pagpasa ng budget at pagtugon nito sa pangangailangan ng mga Pilipino.

“I’m pleased that the House-approved version of the General Appropriations Bill responds to the most urgent needs of Filipinos. We need to ensure that social services are sufficient for the greater good of our countrymen, especially those in dire need of basic social services to survive,” sabi ni Romualdez.

Sinabi naman ni Co na kinuha nila ang budget sa mga ahensya na sa palagay ng komite ay hindi nito mauubos sa 2023.

“Hindi madali ang desisyong ito, ngunit ‘di rin makatwirang matulog ang pondo habang napakaraming pangangailangan ang milyun-milyong pamilyang Pilipino habang bumabangon ang bansa mula sa pandemya,” paliwanag ni Co.

Kabilang sa binawasan ang pondo ng Metro Manila Subway Project at North-South Railway Commuter sa ilalim ng DOTr.