Madrona

Malawak na maritime safety inspection kinakailangan–Rep. Madrona

Mar Rodriguez Jan 29, 2026
152 Views

DAPAT magsagawa ang Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG) ng malawakang maritime safety inspection sa lahat ng mga barko para huwag ng maulit ang trahedya gaya ng M/V Trisha Kerstin 3 sa Basilan, ayon kay Romblon Rep. Eleandro Jesus “Budoy” Madrona.

Bagama’t inanunsiyo na ng Department of Transportation (DOTr) na grounded ang buong passenger fleet ng Aleson Shipping Lines, binigyang diin ni Madrona na importante pa rin na magkaroon ng masusing inspection sa lahat ng barkong lumalayag.

Ipinaliwanag ng kongresista na ang pagsasagawa ng kumpletong maritime safety inspection ay para lamang tiyakin na ligtas ang lahat ng lumalayag na barko, walang overloading at nasa maayos na kundisyon ang mga RoRo vessel.

Nakakalungkot na tinatayang 18 katao ang nasawi sa paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3 na lumalayag mula Zamboanga City patungong Jolo, Sulu, ayon sa kongresista.

Kinakatigan din ni Madrona ang hakbang ni DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez matapos din nitong hilingin sa MARINA at PCG ang pagsasagawa ng maritime safety audit na kinabibilangan ng pag-inspeksiyon sa mga barko at crew nito.

Pagbibigay diin pa ng mambabatas na makailang beses ng naganap ang mga trahedya o aksidente sa karagatan subalit nagpapa-ulit-ulit lamang umano ang problema kagaya ng depektibo ang barkong naglalayag o over loaded.