boracay

Malinaw na istratehiya para sa lokal na turismo bubuuin

281 Views

PARA mas maging epektibo ang pagpapasigla sa turismo ng mga dinarayong lugar sa Pilipinas, plano ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson na magsagawa ng konsultasyon sa mga local government unit (LGU) para bumuo ng malinaw na istratehiya.

Sa pakikipagdayalogo nila sa mga residente ng Argao, Cebu kamakailan, ipinaliwanag ni Lacson at running mate na si vice presidential candidate Vicente ‘Tito’ Sotto III ang kanilang mga plano para sa turismo ng bansa na unti-unti nang bumabangon mula sa epekto ng pandemya.

Ayon sa tambalang Lacson-Sotto, makakatulong ang plataporma nila na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program para bigyang-papel ang mga LGU sa kanilang mga proyektong pangkaunlaran na sila rin mismo ang magpapatupad.

“Kasi alam ng Argao kung ano ba ‘yung pwedeng i-develop dito na tourism area. And every part of the country, every municipality, alam nila kung ano ‘yung bibigyan ng priority. Doon nila bubuhusan ngayon kung sila ang mag-implement, sila ang mag-prepare ng kanilang local development plan,ibubuhos nila doon sa area na alam nila na mag-e-enhance ng tourism,” paliwanag ni Lacson.

Kung maisasakatuparan umano ang matagal nang isinusulong ni Lacson na BRAVE program, magkakaroon na ng dagdag na suporta ang mga LGU para palakasin ang industriya ng turismo, lokal na negosyo, at pasyalan o mga tourism estate sa iba’t ibang destinasyon sa bansa.

“If we have economic zones and industrial zones in the country, we should also have what we call tourism estate. ‘Pag may tourism estate, ang focus, siyempre, infrastructure projects papunta doon sa tourism estate. And government should support ‘yung efforts ng tourism estate to promote our tourism industry,” dagdag ni Lacson.

Sabi naman ni Sotto, para maengganyo ang mga lokal at dayuhang turista dapat ay magkaroon ng maayos na kapaligiran kung saan mararamdaman ng mga bumibisita na ligtas sila sa kanilang pamamasyal.

Una nang sinabi ng Senate President sa kanilang pagdalaw sa probinsya ng Romblon na magiging masigla ang turismo sa bansa kung maayos ang mga paliparan upang mas maging madali ang pagbiyahe ng mga turista at maging ng mga pauwing residente.

“Para ‘yung mga nagbabakasyon imbes na pumunta sa Hong Kong, pumunta sa Singapore, pumunta sa kung saan-saan, dito na pupunta sa ating bansa din—sa Cebu, sa Davao, sa Laoag, o sa Boracay,” ayon pa kay Sotto na isa ring anak ng Cebu, dahil sa kanyang ama at lolo na mga prominente rito.

Ang Argao at kalapit nitong bayan ng Dalaguete ay kapwa mga first-class municipality sa Cebu na dinarayo dahil sa magaganda nitong baybayin. Binansagan ang Argao na ‘Torta Capital of the Province’ dahil sa sikat na torta, isang uri ng pagkaing hango sa torta ng mga Español.

Ayon sa senatorial candidate ng Lacson-Sotto tandem na si dating Agriculture Secretary Emmanuel ‘Manny’ Piñol na nagsusulong sa food tourism, malaki ang potensyal ng torta sa pag-engganyo sa mga turista sa Argao, Cebu.

“Torta is one, ano, anchor na sa inyong tourism. That could be your main product that could attract tourists. But kami sa national kung manalo si Ping Lacson, Tito Sotto, ako, Dr. Padilla, General Guillermo Eleazar… We will show you a grounded governance,” ani Piñol.