ka louie

Malusog na Meryenda Ngayong Summer

Ka Louie Apr 5, 2022
322 Views

HABANG papalapit ang bakasyon ngayong summer, ibinaling natin ang ating atensyon sa pag-enjoy sa paglangoy sa ating magagandang dagat na may puting buhangin, o mamasyal sa malamig na bulubunduking lugar habang pinapanatili natin ang mga protocol sa kalusugan. May posibilidad din tayong magpakasawa sa pagtikim ng iba’t ibang paboritong meryenda tulad ng halo-halo, mais con yelo, banana-q, turon, sapin-sapin, suman, buko pie, cassava cake, at iba pang katutubong produkto. Para sa pagpawi ng uhaw, mayroon tayong opsyon na uminom ng malamig na buko juice, sagot-gulaman, at mga sariwang katas ng prutas. Ang mga iba ay iinom ng kanilang paboritong soft drinks, juice drinks, iced coffee, at iced milk tea.

Alin dito ang malusog? Alin sa mga ito ang maaaring humantong sa labis na katabaan kung lalampas tayo sa mga limitasyon na tinakda ng National Nutrition Council? Ating suriin.

Ang mga matamis ngunit malusog na meryenda ay maaaring binubuo ng mga hiniwang sariwang prutas tulad ng hinog na mangga, pakwan, sariwang pinya, at sariwang saging. Para sa mga creamier na meryenda, ang avocado, taho, yoghurt, at cottage cheese ay maaring kainin. Pwede rin ang hiniwang mansanas, mani na walang asin o asukal, pili, at kasoy.

Paano naman yung mga nakabalot na meryenda na may iba’t ibang kulay at sukat na nabibili sa convenience stores o supermarket? Basahin ang label na “Nutrition Facts” sa lalagyan o package ng mg ito. Ang mga nakabalot na produkto ng meryenda ay ibinebenta sa iba’t ibang “serving sizes”. Ang mga “serving sizes” na ito ay sinusukat sa onsa, gramo, o piraso. Ang bawat sukat ay nauugnay sa bilang ng mga “calorie”. Ang “serving size” sa isang label ng isang meryenda ay hindi isang rekomendasyon na dapat ubusin ng isang indibidwal. May pangangailangan na kumunsulta sa isang health professional sa ating opisina o barangay health center. Ang bilang ng mga “calorie” ay depende sa edad, taas at timbang, antas ng aktibidad sa trabaho, at kondisyon ng metabolismo ng katawan.

Tandaan, ang nangungunang tatlong pangunahing sustansya ng isang mas malusog na meryenda ay dapat maglaman ng sapat na dami ng fiber, protina, at malusog na taba. Kaya, iwasan natin ang mga mataas sa calories, taba, saturated fat, trans fat, asukal, at sodium.

Manatili tayong malusog. I-enjoy ang summer vacation.