Calendar

Malvar punong abala sa Batangas Energy Summit ’25
GINANAP ang Batangas Energy Summit 2025 na dinaluhan ng mga kinatawan ng mga pamahalaang lokal, national government agencies, mga kumpanya sa sektor ng enerhiya, pribadong negosyo, civil society organizations at academe noong Marso 20 sa LIMA Park, Malvar, Batangas.
Ang pagtitipon, na inorganisa ng Department of Energy, Batangas City, De La Salle University at First Gen Corporation , inilunsad para magbalangkas ng nagkakaisang pananaw patungo sa pangmatagalan, ligtas at abot-kayang suplay ng enerhiya sa buong Pilipinas.
Itinampok ang kalagayan ng ekonomiya at sektor ng enerhiya sa lalawigan, mga polisiyang sumasaklaw sa enerhiya; mga hakbang tungo sa seguridad sa enerhiya kabilang ang mga inobasyon, estratehiya at solusyon; at mga hinaharap na pagkilos para sa “sustainable energy development” sa buong Batangas.
Resource persons ang mga eksperto mula sa DOE, Department of Trade and Industry-Board of Investments, First Gen Corporation, Pi Energy, MERALCO, BATELEC II at DLSU-Manila.
Tinutukan ang mga mahahalagang paksa kabilang ang renewable energy, energy investment opportunities, regeneration with data and analytics, sustainable energy development at energy-related policies.
Binigyang-diin ni Gov. Hermilando Mandanas na mahalagang mapabuti pa sa lalawigan ang mga renewable energy resources, kagaya ng solar at wind power projects, upang makatulong sa patuloy na kaunlaran, habang pinangangalagaan din ang kalikasan at kapaligiran.
Nakiisa sa programa sina Vice Governor Mark Leviste, Provincial Administrator Wilfredo Racelis, Atty. Angelica Chua Mandanas, mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan at mga kinatawan ng mga pamahalaang lokal.