Edd Reyes

Mamamayan nakikinabang kapag local, national na pamahalaan nagtulungan

Edd Reyes Apr 2, 2025
24 Views

TUMATAK sa isipan ng mga Pinoy ang kampanya noon ng namayapa ng si dating Department of Health (DOH) Secretary Juan Flavier na “Yosi Kadiri” na isa sa kanyang magandang programang naghatid sa kanya sa pagiging senador.

Mapanganib naman talaga sa kalusugan ang sigarilyo kaya noon pa man hanggang ngayon ay nangunguna ang sangay ng ehekutibo sa kampanya laban dito. Sabi pa nga ni Health Secretary Ted Herbosa sa kanyang paunang talumpati sa 2021 Philippines Global Adult Tobacco Survey na inilathala ng DOH noong 2023 na 112,000 na Pilipino ang namamatay kada taon dahil sa sakit na dulot ng paninigarilyo.

Sa sangay naman ng lehislatura, isa si Senator Pia Cayetano ang humahanap ng paraan upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko laban sa nakamamatay na sigarilyo. Sabi niya sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee noong nakaraang taon, dapat daw ay kasama ang Kalihim ng DOH sa mga delegado ng Pilipinas na dumadalo sa mga pandaigdigang pagpupulong laban sa tobacco para sa interes sa pampublikong kalusugan.

Kaya nang lumabas ang larawan ni Herbosa, kasama ang mga pinuno ng malaking Tobacco Company na nagkaloob ng apat na mobile clinics at isang water station para sa isang health project ng gobyerno, umani siya ng katakot-takot na batikos mula sa mga health advocates.

Pero sabi ng Malakanyang, wala naman itong paglabag sa Civil Service Circular dahil hindi naman mismong si Sec. Herbosa ang tumanggap ng donasyon kaya hindi ito kasiraan sa imahe ng DOH. Isa kasing public servant si Herbosa kaya natural lang daw na kailangan niyang magpaunlak sa mga photo opportunity bilang pagpapamalas ng pagka-maginoo.

Sa mga ganitong pagkakataon na may mga nasisilip na mali sa ahensiyang nasa ilalim ng ehektibo, mahalaga na may boses ang lehislatura na titindig sa kapakanan ng ordinaryong Pilipino gaya ni Senator Pia at iba pang mambabatas na may talino at hindi basta malilinlang sa mga taktika ng mga negosyante na nais lang kumita kapalit ng kalusugan at kinabukasan ng buong bansa.

Dalawang multi-purpose building, pinasinayahan sa Navotas

IBA talaga kapag nagtutulungan ang lokal at pambansang pamahalaan na ang nakikinabang ay mga mamamayan.

Dito kasi sa Navotas City, dalawa pang bagong multi-purpose building na proyekto nina Cong. Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco ang pinasinayahan nito lang nakaraang linggo bilang bahagi ng patuloy nilang pagsisikap na mapaganda ang mga pampublikong imprastraktura.

Sabi ni Mayor John Rey Tiangco, mahalaga ang bagong pasilidad para mapangalagaan ang pag-unlad ng komunidad at pamumuhay ng mga Navoteños, lalu’t magkakaroon sila ng maayos at maaliwalas na lugar para sa mga programa at iba pang gawain.

Tiniyak naman si Cong. Toby Tiangco na itutuloy niya ang pangako na patuloy na gagawa ng mga proyektong pang-imprastraktura na pakikinabangan ng komunidad at mag-aambag sa kabuuang pagunlad ng Navotas.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]