PCSO Isang masuwerteng mananaya ng lotto ang nagpakita ng kanyang winning ticket upang i-claim ang Grand Lotto 6/55 jackpot na may halagang mahigit P331 milyon sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City. Source: PCSO

Mandaluyong bettor nasungkit ang P331M grand lotto jackpot

31 Views

ISANG mananaya mula sa Mandaluyong City ang nag-claim na ng kanyang premyo matapos manalo sa Grand Lotto 6/55 noong Mayo 17 na may jackpot prize na P331,359,271.

Ayon sa pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Miyerkules, ang mga numerong nanalo — 30-29-42-28-02-43 — ay awtomatikong napili sa pamamagitan ng lucky pick.

Ibinahagi ng mapalad na mananaya, na sampung taon nang tumataya sa lotto, na parang isang panaginip ang pagkapanalo.

“Nawawalan na nga ako ng pag-asa. Inisip ko, may nananalo ba talaga sa lotto? Nasagot na ang tanong ko, at malaking pagbabago ang maibibigay nito sa buhay ko,” aniya.

Sa kabila ng napakalaking halaga ng napanalunan, nananatiling mapagkumbaba at may malasakit ang bagong multi-milyonaryo. Ibinahagi niyang nais niyang mag-donate sa isang animal shelter para sa mga pusang kalye at asong walang matuluyan.

Samantala, binati ni PCSO General Manager Mel Robles ang masuwerteng nanalo.

“Hindi lang ito kuwento ng suwerte, kundi ng tiyaga at malasakit. Paalala ito sa atin ng epekto ng bawat laro at bawat manlalaro na sumusuporta sa aming mga programa,” aniya.

Bilang bahagi ng adbokasiya ng PCSO sa responsible gaming, pinaalalahanan ang publiko na maglaro nang naaayon sa kakayahan at tandaan na bawat taya ay may kaakibat na tulong sa kawanggawa.

May isang taon ang mga nanalo mula sa petsa ng draw upang i-claim ang premyo, alinsunod sa Republic Act 1169 o ang PCSO Charter. Kapag lumagpas dito, mafo-forfeit ang premyo.

Pinaalalahanan din ng PCSO ang publiko na ang lahat ng jackpot prizes ay dapat i-claim sa kanilang pangunahing tanggapan sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City, at sasailalim sa 20 porsiyentong buwis.

Para makuha ang premyo, kinakailangang pirmahan ng nanalo ang likod ng winning ticket at magpakita ng dalawang valid government-issued ID.

Hinihikayat ng PCSO ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga produkto, dahil malaking bahagi ng kita nito ay napupunta sa mga charitable programs.