“Mandatory drug testing” sa lahat ng artista iminungkahi

Mar Rodriguez Oct 3, 2022
212 Views

IMINUMUNGKAHI ngayon ng isang Mindanao congressman na kailangang sumailalim sa “mandatory drug testing” ang lahat ng artista o mga sikat na celebrities upang matiyak na hindi sila lulong o nasa impluwensiya ng illegal na droga bago sila gumawa ng pelikula.

Sinabi ni Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace S. Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na ang mga artistang Pilipino ay hinahangaan at iniidolo ng publiko kung kaya’t nararapat lamang na matiyak na hindi sila gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Ang naging mungkahi ni Barbers na mandatory drug testing para lahat ng mga sikat na celebrities ay kasunod ng pagkakadakip kamakailan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) operatives sa Kapuso star na si Dominic Roco at apat pang kasamahan nito sa pamamagitan ng ikinasang buy-bust operation.

Binigyang diin ni Barbers na ang mga artista, bilang mga ídolo at hinahangaan ng publiko ay kinakailangan aniyang maging “drug free” o mapatunayan na hindi gumagamit ng illegal na droga. Dahil kailangan silang maging mabuting halimbawa partikular na sa mga kabataan na nakasubaybay sa kanilang mga ginagawa.

Ipinaliwanag ng kongresista na maaaring gayahin o kaya’y maimpluwensiyahan ng mga artistang lulong sa illegal na droga ang mga kabataang humahanga sa kanila dahil sinusundan ng mga ito ang kanilang yapak mabuti man o masama ang kanilang ginagawa.

“Actors, actresses and movie celebrities should all be drug-free because they are public figures that are being idolized by the public, particularly the Filipino youth. They would be setting bad examples if they would be involved in the use of drugs or worse selling drugs,” sabi ni Barbers.

Ipinaliwanag pa ni Barbers na ang mga Filipino movie production outfits, directors at talent agents na ang dapat mismong mag-obliga sa kanilang mga artista at talents na sumailalim sa mandatory drug testing bago sila makagawa ng pelikula.

Ayon sa mambabatas, halos lahat ng artista ay matatawag na “drug free” o hindi gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Subalit may ilang sikat na celebrities ang hindi maikakailang gumagamit at kadalasan ay sila pa mismo ang nagtutulak ng illegal na droga.