DILG Source: PNA file photo

Mandatory evacuation sa mga tatamaan ng Pepito storm surge ipinag-utos ni PBBM

Chona Yu Nov 15, 2024
52 Views

INATASAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na magpatupad ng mandatory evacuation sa baybaying bahagi ng Bicol region, Eastern Visayas at Quezon na maaring tamaan ng storm surge dahil sa bagyong Pepito.

Sa situation briefing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council headquarters sa Camp Aguinaldo, Quezon City, sinabi ni Pangulong Marcos na dapat na mabigyan ng sapat na kaalaman at babala ang mga residente na lumikas na sa lalong madaling panahon.

Base sa babala ng PAGASA, nasa tatlong metro ang taas ng storm surge.

Kinakailangan na ilikas ang mga residente sa taas na limang metro.

Iginiit pa ni Pangulong Marcos na dapat na ipaintindi sa mga residente ang worst case scenario.

Gayunman, sinabi ng Pangulo na hindi naman dapst na takutin ang mga residente.

Ayon sa Pangulo, dapat na magsilbing leksyon ang BAGYONG Yolanda na tumama sa Visayas region na marami ang namatay dahil hindi naintindihan ang bababala sa storm surge.

Sinabi naman ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na nasa 200,000 pamilya ang kinakailangan na ilikas sa mas ligtas na lugar..

Pagtitiyak ni Remulla, akma naman ang mga evacuation centers sa storm surge.