Yorme Pinangunahan nina Manila Mayor Isko Moreno,Vice Mayor Chi Atienza, at 5th District Congressman Irwin Tieng ang groundbreaking ceremony ng Manila Sacramento Library and Multi Purpose Buiding sa Canoinigo corner Zamora Streers sa Paco, Manila. Kasama nila sina Engineer Armando Andres,DEPW, Mylene Villanueva City Government Assistant Department Head ng Manila City Library at mga konsehal ng Distrito Singko. Kuha ni JONJON C. REYES

Manila Sacramento Library, multi-purpose gusali itatayo

Edd Reyes Sep 1, 2025
210 Views

NANGUNA sa groundbreaking ceremony sina Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza para sa pagtatayo ng Manila Sacramento Library and Multi-Purpose Building Lunes ng tanghali sa Zamora Street, Paco, Maynila.

Ayon sa alkalde, aabutin ng siyam na buwan ang konstruksiyon ng silid-aralan at multi-purpose building na naka-disenyo para sa mga batang mag-aaral at mga senior citizens.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng alkalde na marami pa silang ipatatayong imprastraktura sa lungsod sa kabila ng nararanasang kakapusan ng pondo dahil nais nilang ituloy ang pagtuon sa pamumuhunan sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng kalusugan, edukasyon, pabahay, at trabaho.

“Kapag natapos ito, ang mga bata, sigurado ako hindi na tatambay sa kalsada, babalik na mga iyan sa library. Bakit? kasi makakagamit na sila ng Mac, Macintosh desktop, Apple, yes, we will invest,” sabi pa ng alkalde.

Para naman sa mga senior citizen, sinabi ng alkalde na nakalaan ang mga espasyo na magsisilbing ligtas at makabuluhang lugar para sa kanila. “Kahit na gipit na gipit na tayo, basta’t ikabubuti ng ating nasasakupan, pipilitin kong iraos ang ating Lungsod ng Maynila,” dagdag pa niya.

Bukod kay VM Atienza, dumalo rin sa naturang seremonya sina Manila City Library OIC Mylene Villanueva, Congressman William Irwin Tieng, 5th District Councilors Che Borromeo, Bobby Espiritu, Jaybee Hizon, Majority Leader Mon Yupangco, at mga barangay official.