Isko

Manila simula na ng 4-day workweek

Edd Reyes Mar 9, 2026
129 Views

SINIMULAN na sa Maynila ang apat na araw na pagtatrabaho ng mga kawani ng local government makaraang lagdaan ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang pormal na utos tungkol sa 4-day workweek.

Sinabi ng alkalde na inilabas niya ang kautusan bilang paraan sa pagtitipid ng enerhiya sa gitna ng pagtaas ng halaga ng langis bunsod ng gyera sa Gitnang Silangan.

Nakasaad sa kautusan na lahat ng mga kawani ng bawat departamento, kawanihan, tanggapan, lupon at ahensiya ng pamahalaang lungsod ay kinakailangang magtrabaho simula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi o mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi mula Lunes hanggang Huwebes.

“This is our way of responding to the call of the President Ferdinand Marcos Jr. and the needs of the moment given the situation brought about by the Middle East conflict,” sabi ni Domagoso.

Hindi kabilang sa bagong iskedyul ang mga kawani na tumutugon sa mga emergency response calls, health services, sanitation operations, mga pampublikong pamilihan at utilities tulad ng water pumping stations.

Hinimok din ng alkalde ang mga pribadong negosyante, opisyales ng barangay at bawat pamilya na makiisa sa pagtitipid ngayong dumaranas ang bansa ng labis na pagtaas ng halaga ng langis.

“Napakahirap ng sitwasyon sa mundo ngayon kaya kailangan nating magtulungan at magkaisa,” pahayag ng alkalde.