Dy

Mapaghating pulitika isantabi, ituon pansin sa paglilingkod — Speaker Dy

139 Views

NANAWAGAN si Speaker Dy sa mga kasamahan na isantabi ang pulitika, ituon ang pansin sa paglilingkod

Nanawagan noong Lunes si Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa kanyang mga kasamahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na isantabi ang mapaghating pulitika at ituon ang kanilang oras at lakas sa paglilingkod sa publiko at paghahatid ng makabuluhang resulta para sa sambayanang Pilipino.

Sa kanyang talumpati sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kamara, pinaalalahanan ni Dy ang mga kapwa mambabatas na ang kanilang tunay na pananagutan ay sa taumbayan.

“Ilaan natin ang ating lakas, oras, at kakayahan sa pagtaas ng antas ng serbisyo para sa ating mga mamamayan at paggawa ng mga batas na makabuluhan—mga batas na hindi lamang maganda sa papel, kundi ramdam ng bawat pamilyang Pilipino.”

“Sapagkat sa huli, doon tayo huhusgahan ng bayan: hindi sa ating mga talumpati, kundi sa ating mga ginawa,” dagdag niya.

Binigyang-diin ng Speaker mula Isabela na hindi kailanman dapat manaig ang pagkakaiba-iba sa pulitika kaysa sa mas mataas na tungkulin ng paglilingkod sa publiko.

“Mga kasama, darating ang araw na maaaring maging magkakaiba ang ating pananaw sa pulitika. Ngunit sana’y manatili tayong nagkakaisa sa mas mataas na layunin: ang marangal at buong pusong paglilingkod sa sambayanang Pilipino,” aniya.

“Kaya ngayon, isantabi natin ang pamumulitika na naghahati at yakapin ang pulitikang nagbubuklod,” giit ni Dy.

Sinabi rin ng pinuno ng Kamara na ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan ay nabubuo sa pamamagitan ng gawa, hindi ng salita.

“Matibay ang aking paniniwala na ang tiwala ay hindi hinihingi—ito ay pinagbubuhusan at pinatutunayan. At araw-araw po natin itong kailangang ipakita: sa mabilis na aksyon, sa matuwid na pagpapasya, at sa mga programang may malinaw na resulta,” wika niya.

Nanawagan din si Dy sa mga miyembro ng Kamara na lubos na gamitin ang oras at mga sesyon, at binigyang-diin ang agarang pangangailangan sa gawaing lehislatibo.

“Sa bawat araw na lumilipas, mas nagiging mahalaga ang bawat oras, bawat sesyon, bawat desisyon na ating ginagawa. Wala po tayong panahong dapat sayangin,” ani Dy.

“Magtrabaho at magtulungan po tayo—hindi para sa pansariling interes, kundi para sa kapakanan ng susunod na henerasyon, at para sa kinabukasan ng ating Inang Bayan.”