Marami pang anomalya matutungkab ng Kongreso sa ginagawang imbestigasyon — Valeriano

Mar Rodriguez Jun 5, 2024
116 Views

NANINIWALA si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na posibleng maraming pang anomalya ang mabubungkal ng Kongreso sa pagpapatuloy ng imbestigasyon nito sa mga katiwaliang nakakulapol sa nakalipas na administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na “crucial” o napakahalaga ng isinasagawang imbestigasyon ng Kamara de Representantes patungkol sa mga katiwaliang naka-angkla o nakakabit sa dating administrasyon na may kaugnayan sa pananalapi.

Ang reaction ni Valeriano ay kaugnay sa naging pahayag ni dating Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III sa isinagawang oversight hearing ng House Committee on Appropriations.

Sinabi ni Duque na iniutos umano ni dating Pangulong Duterte ang paglipat ng P47.6 billion mula sa DOH patungo sa Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) para sa pagbili ng COVID-19 supplies sa kasagsagan ng pandemiya noong 2020.

“Publicly this was made by the President in our meetings in the weekly meeting or talk to the people,” paghahayag ni Duque.

Dahil dito, ipinaliwanag ni Valeriano na bagama’t hindi tuwirang maisasangkot ang dating Pangulo sa mga nangyaring katiwalian sa kaniyang administrasyon. Subalit maaari naman mapanagot ang mga taong kumilos at sangkot sa nasabing anomalya para sa tinatawag na accountability.

“Maraming anomalya ang maaaring mabungkal o mahalukay sa mga naging kilos ng Health Department during the last administration. Let us support the ongoing investigation on this issue. Dahil malaking pera ang involved dito, let our accountability system work,” wika ni Valeriano.