Vic Reyes

Marami umaasa buhay gaganda sa 2016

Vic Reyes Dec 22, 2024
69 Views

ISANG magandang araw sa lahat ng ating mambabasa.

Maligayang Pasko sa inyong lahat.

Binabati natin ang mga kababayan natin sa Japan na sina: Ma. Theresa Yasuki, Tata Yap Yamazaki, Josie Gelo, La Dy Pinky, Endo Yumi, Lorna Pangan Tadokoro, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Hiroki Hayashi, Roana San Jose at ang kaibigan ng halos lahat ng Filipino sa Japan si Hiroshi Katsumata.

Ganun din kay Joann de Guzman ng Oman.

Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan at kalusugan.

(Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa  # +63 9178624484)

***

Bilang pagtupad sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos na habulin ang mga ismagler ng produktong agrilkultura ay umaksyon kaagad ang mga taga-Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA).

Sina Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio at Agriculture Secretary Francisco P. Tiu-Laurel Jr. ay nagsagawa ng pag-inspeksyon sa mga bodega sa Bocaue at Balagtas, Bulacan.

Ang mga bodegang ito ay pinagsususpetsahang naglalaman ng mga imported na bigas na hindi binayaran ng buwis.

Ang composite team na nagsagawa ng inspeksyon ay binubuo ng mga tauhan ng CIIS at ESS ng Manila International Container Port (MICP) at DA Inspectorate and Enforcement (DAIE).

Sila ay tinulungan ng Philippine Coast Guard, Philippine National Police at barangay officials ng Bocaue at Balagtas.

Nadiskubre sa mga bodega ang 249,500 sako ng imported rice na nagkakagalaga ng P66.l milyon, ayon sa BOC.

Sa isang dialogue, binigyan ng BOC ng 15 days ang mga may-ari ng rice warehouses para ipakita ang import documents ng mga bigas.

Ang dialogue, na ginanap noong December 18, ay dinaluhan ng mga opisyal ng BOC, DA at House of Representatives.

Ang mga miyembro ng House of Representatives ay pinangunahan ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr, Deputy Speaker David Suarez at Reps. Janette Garin, Mark Enverga, Horacio Suansing Jr. at Erwin Tulfo.

Si Deputy Speaker Gonzales ang representative ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, pinsan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Sa tingin natin ay magdahan-dahan na ang mga ismagler ng produktong agrikultura dahil si Pangulong Marcos na mismo ang nagbigay ng order.

Hindi madali ang direktiba ni Marcos dahil alam naman natin na hindi basta-basta ang mga taong sangkot sa agricultural smuggling.

Pero naniniwala tayo na kayang-kayang buwagin nina Rubio at Laurel ang sindikato.

Sa tulong ng lahat ng sektor ng lipunan ay mabubuwag rin ang sindikato.

Tama ba, Finance Secretary Ralph Recto ng Batangas.

****

Sa Miyerkules ay Pasko na. At ilang araw na naman ay 2025 na.

Marami ang umaasa na sana gumanda na ang ating ekonomiya sa susunod na taon.

Maraming problema at pagsubok ang dinaanan natin nitong 2024, kasama na ang mga sunod-subod na bagyo na tumama sa bansa.

Marami ang namatay at marami rin ang nawalan ng bahay, alagang hayop at iba pang ari-arian sa ibat-ibang parte ng bansa.

Matagal makabangon ang mga biktima ng mga kalamidad na tumama sa ating bansa.

Pero naniniwala tayo na makakabangon din ang mga taong ito sa tulong ng Poong Maykapal at gobyerno.