Marcoleta

Marcoleta, Defensor, Espiritu arestaddo

Alfred Dalizon Jul 6, 2026
90 Views

Marcoleta1Marcoleta2INARESTO si Senador Rodante Marcoleta Lunes ng umaga ng mga miyembro ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) batay sa isang non-bailable warrant of arrest para sa kasong plunder na inilabas ng Sandiganbayan.

Ayon naman kay DILG Secretary Jonvic Remulla, naaresto rin noong Lunes ng PNP ang mga kapwa akusado ni Marcoleta na sina dating AnakKalusugan Party-list Representative Mike Defensor at negosyanteng Joseph Espiritu sa loob ng isang sangay ng Starbucks sa Quezon City.

Ayon kay Remulla, nagkakape ang dalawa nang isilbi ng mga pulis ang warrant of arrest laban sa kanila.

Dinala rin ang dalawa sa Sandiganbayan upang iharap sa mga opisyal ng hukuman, dagdag pa ng kalihim ng DILG.

Isinilbi ang warrant of arrest kay Marcoleta kaugnay ng umano’y hindi pagdedeklara ng baguhang senador ng ₱75 milyon na campaign donations.

Isinagawa ito ng mga opisyal sa Sandiganbayan sa harap nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor C. Remulla, PNP Chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr., at PNP-CIDG Director Major General Robert Alexander A. Morico II.

Pagkatapos nito, dinala si Marcoleta sa punong tanggapan ng PNP-CIDG sa Camp Crame, kung saan isinailalim siya sa karaniwang proseso ng booking at dokumentasyon. Kalaunan ay ililipat siya sa Quezon City Annex Jail sa Payatas, Quezon City, na nagsisilbi ring detention facility nina Senador Jinggoy Estrada at dating Senador Ramon Revilla Jr., na kapwa nahaharap din sa mga kasong plunder.

Iniutos ng Sandiganbayan Third Division ang pag-aresto kina Marcoleta, dating kongresista Mike Defensor, at mga negosyanteng sina Aristotle Viray at Joseph Espiritu.

Ayon sa legal counsel ni Senador Marcoleta na si Patrick Velez, kusang-loob na nagtungo ang kanyang kliyente sa Sandiganbayan bilang isang “act of good faith” o pagpapakita ng mabuting loob nang ilabas ang utos ng pag-aresto.

“Pagpunta ko rito, inaasahan ko na lahat, mga proseso na gagawin. Kagaya ng sinabi ko sa inyo, ako ay hindi magtatago. Haharapin ko ang batas, ang asunto, sang-ayon sa pagkakaintindi ko sa mga batas natin,” ani Marcoleta.

“Kailangan kong dumaan ng proseso. Kasama na po yung pagpunta ko rito, yung hangarin ko na kung i-serve po nila yung warrant of arrest, tatanggapin ko,” dagdag pa niya.

Mas maaga noong araw na iyon, ibinasura ng Sandiganbayan ang mosyon na suspendihin ang mga pagdinig at ipagpaliban ang paglalabas ng mga warrant of arrest laban kina Marcoleta, Defensor, at Espiritu.

Ipinaliwanag ni Associate Justice Karl Miranda na tinanggihan ang mga mosyon dahil nakita ng hukuman na may sapat na probable cause sa kasong plunder.

Nag-ugat ang kaso sa alegasyong si Marcoleta, noong siya ay miyembro pa ng House of Representatives, ay tumanggap ng ₱75 milyong campaign donations mula kina Defensor at sa iba pang mga negosyante ngunit hindi ito idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN)

Sa ilalim ng Anti-Plunder Act, maaaring kasuhan ng plunder ang isang opisyal ng gobyerno kung mapatunayang nakalikom siya ng hindi bababa sa ₱50 milyong umano’y ill-gotten wealth o ilegal na yaman.

Nauna rito, sinabi ni General Nartatez na nakahanda na ang kanilang mga tracker teams upang ipatupad ang warrant of arrest laban kay Marcoleta sakaling maglabas ang Sandiganbayan ng naturang utos.

“Our public safety and security operations are in place, nagrerehearse na lang sila. If you’re talking on any warrant of arrest versus Sen. Marcoleta, we will implement that. We have teams for that, every police station, may warrant server, may subpoena server. We have the Intelligence Group, the Criminal Investigation and Detection Group. We have our tracker teams ready to enforce any warrant of arrest,” aniya.

Idinagdag niya na alam ng mga police commander ang tamang proseso sa pakikitungo sa Senado.

“May certain procedures in implementing it. We are ready. Alam na ng commanders ‘yan. They will coordinate with the Senate to preserve the sanctity of the office. They will talk with the Senate President and the Office of the Senate Sergeant-at-Arms,” ayon sa PNP chief.

Sinabi rin ni General Nartatez na mayroon silang mga contingency measures sakaling magsagawa ng panibagong rally ang mga tagasuporta ni Senador Marcoleta na maaaring makaabala sa publiko, lalo na sa kahabaan ng EDSA. Dumating ang pahayag na ito kasabay ng mga usap-usapan sa social media tungkol sa umano’y planong kilos-protesta na tinatawag na “Big One.”

“Ang pinakamaganda ay maging peaceful ang proceedings. Sa korte na lang litisin, magkaroon ng trial, peaceful process. In the event na may kaguluhan, may procedures and contingencies tayo, pero ang mas importante ay ma-maintain natin ang peace and order para sa lahat. Iyan ang mission ng PNP in coordination with the community, the media, the LGUs and other agencies. We want to keep everyone safe,” ani Nartatez.

Ayon pa sa PNP chief, binabantayan din nila ang mga freedom parks sa Liwasang Bonifacio, Plaza Dilao, at Plaza Miranda sa Maynila. Para naman sa iba pang lugar, kinakailangan munang kumuha ng espesyal na permit mula sa lokal na pamahalaan bago pahintulutang magsagawa ng mga demonstrasyon sa mga lugar gaya ng EDSA Shrine at People Power Monument sa kahabaan ng EDSA sa Quezon City.