Martin

Marcos admin mamahagi ng cash, bigas sa Benguet sa Linggo — Speaker Romualdez

115 Views

HINDI lang cash kundi pati bigas ang ipapamahagi ng administrasyong Marcos sa libu-libong residente sa lalawigan ng Benguet sa darating na Linggo.

Pangungunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang cash and rice distribution o Card program ng pamahalaan.

Ito na ang ika-20 lalawigan na bibigyan ng ayuda ng gobyerno para sa mga mahihirap na kababayan.

“Tinutupad lang ng Pangulong Marcos ang pangako na prayoridad sa kanyang administrasyon ang mga mahihirap na sabay-sabay na aahon at hindi sila maiiwan. Ang Kongreso ay naglaan ng malaking halaga para sa programang ito at tuloy-tuloy ito sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon”, ani Speaker Romualdez.

Pagtiyak pa ng Speaker of the House, lahat ng lalawigan sa bansa ay dadaanan ng ayuda program na pamahalaan.

“Layon ng programang ito ay para makaagapay ang mga maliliit na kababayan natin sa mga gastusin at pangkain sa araw-araw,” dagdag ng lider ng Kongreson.

Para naman kay Benguet Lone District Cong. Eric Yap, ang pagdala ng ayuda ni Speaker Romualdez ay natiyempo kung saan ay nararanasan ang matinding El Niño sa lugar.

“Malaking tulong lalo na sa mga magsasaka namin dahil alam nyo naman ang Benguet ang isa sa mga source ng gulay ng Luzon at ngayon ay nakakaramdam ng epekto ng El Niño,” ayon kay Cong. Yap.

Pinasalamatan rin ni Cong. Yap ang Pangulong Marcos at si Speaker Romualdez sa ayuda na ibababa sa kanyang distrito.