Pangandaman

Marcos admin prayoridad flood-control projects—Pangandaman

146 Views

BIBIGYANG prayoridad umano ng administrasyong Marcos ang mga flood control project, ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman.

Sinabi ni Pangandaman na mayroong alokasyon ang mga proyekto upang maiwasan ang pagbasa sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program na nakalagak sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Pangandaman ang Flood Management Program, isang flagship project ng DPWH ay mayroong P185 bilyong alokasyon ngayong taon.

Sa susunod na taon, mayroong P215.643 bilyong pondo na nakalaan sa naturang proyekto.

Bukod dito ay mayroon din umanong mga foreign-assisted projects na makatutulong upang mapigilan ang pagbaha gaya ng P1.3 bilyong Pampanga Integrated Disaster and Risk Resiliency Project at ang Bulacan Angat Water Transmission Project na nagkakahalaga ng P7.4 bilyon. Ang pondo para sa naturang mga proyekto ay inutang sa Korea Eximbank.

Ang flood control program naman umano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay mayroong P1.9 bilyon ngayong 2023 at P1.3 bilyon sa panukalang 2024 budget.

Ayon kay Pangandaman mayroon ding kabuuang P543.45 bilyong pondo sa ilalim ng Climate Change Mitigation and Adaptation Projects and Programs.

“This is equivalent to 9.4 percent of the total proposed budget, exceeding our commitment of only 8 percent share under the Philippine Development Plan,” sabi pa ni Pangandaman.