BBM

Marcos kailanman di nasama sa drug watchlist ng PDEA

Chona Yu Jan 29, 2024
146 Views

BBM1WALA sa listahan ng mga drug personalities ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..

Taliwas ito sa akusasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasama sa drug watchlist si Pangulong Marcos.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, base sa ulat ng PDEA, kailanman ay hindi nasama sa listahan ang pangalan ng Pangulo.

“Based on all the foregoing facts, the PDEA asserts that President Marcos Jr. is not and was never in its watchlist,” pahayag ng PDEA na isinumite sa PCO.

Base sa records, sinabi ng PDEA na itinatag ang ahensya noong Hulyo 30, 2002 nang itinayo ang National Drug Information System (NDIS) na nagsilbing intelligence database ng lahat ng drug personalities.

Binigyang diin ng PDEA na wala sa listahan si Pangulong Marcos mula nang maitatag ang NDIS noong 2002 hanggang sa kasalukuyan.

Wala rin ayon sa PDEA ang pangalan ni Pangulong Marcos kahit noong administrasyon ni dating Pangulong Duterte.

“It is worthwhile to note that, when the former President took over in 2016, his administration came out with a list, which was then initially called the ‘narco-list, sometimes referred to as the Duterte list, and upon continuing validation and re-validation, it became the Inter-Agency Drug Information Database, or IDI,” sabi ng PDEA.

“The name of President Marcos is also not in the said list,” dagdag ng PDEA.

Matatandaang pinangunahan ni Pangulong Marcos ang kick-off rally ng “Bagong Pilipinas” campaign sa Quirino Grandstand sa Manila kung saan nasa mahigit 400,000 katao ang dunalo.

Dumalo rin sa rally sina First Lady Liza Marcos, Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at iba pang opisyal ng gobyerno.