PBBM

Marcos: Mas praktikal isabay ang Cha-Cha plebisito sa eleksyon sa 2025

Chona Yu Feb 28, 2024
198 Views

AMINADO si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mas praktikal na isabay ang plebisito sa Charter Change sa 2025 midterm elections.

Sa ambush interview sa Maharlika Hangar sa Pasay City bago tumulak patungong Canberra, Australia, sinabi ni Pangulong Marcos na mahirap na mauna ang plebisito dahil mabubulilyaso ang preparasyon para sa eleksyon.

“Pinag-aaralan talaga namin yun dahil kung paghihiwalayin natin ‘yung— kung paghihiwalayin natin ‘yang election at saka ‘yung plebiscite, parang dalawang eleksyon ‘yun eh, napakamahal. So, baka maari kung isama natin ‘yang plebisito sa local elections na gagawin sa Mayo next year. Malaking bagay ‘yun, malaking savings para sa atin ‘yun kaya’t ‘yun, pinagaaralan naming Mabuti,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“So, we’ll see. It really comes down to a practical thing. Mago-organize tayo — kasi ang plebisito parang eleksyon din ‘yan eh. So, mag-eeleksyon ka tapos magpe-plebisito ka, it’s very hard also to have a plebiscite before the election kasi mabubulilyaso ‘yung preparation para sa halalan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Pero aminado si Pangulong Marcos na maaaring may kaharapin na balakid ang plebisito.

“There’s some legal consequences because plebiscite is slightly different, not so — plebiscite is different from an election. So, if we are able to incorporate the two exercises together, as a practical matter palagay ko makakatulong ‘yan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ayon kay Pangulong Marcos, kailangang busisiin ng husto ang mekanismo para sa plebisito.

“So, we’re studying it and I think there’s a potential there that we can possibly exploit,” pahayag ni Pangulong Marcos.