BBM1

Marcos namahagi ng 2,500 land titles sa Davao City

Chona Yu Feb 7, 2024
159 Views

NASA 2,529 land titles ang ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa 2,672 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Davao City pati na sa mga probinsya ng Davao del Sur, Davao del Norte, Davao Occidental, Davao de Oro at Davao Oriental.

Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa distribution ng land titles sa Rizal Memorial Colleges Gym sa Davao City, sinabi nito magandang panimula ito para sa taong 2024.

“Ang pamimigay ng titulo sa ating mga magsasaka ay unang hakbang lamang sa pagkamit ng kanilang kalayaan sa kahirapan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Sabi ni Pangulong Marcos, hindi makaaahon ang mga magsasaka sa pagkagutom at kahirapan kung hindi bibigyan ng titulo ng lupa , ayuda at iba pa.

Mamahagi din aniya ang pamahalaan ng seedlings, fertilizers at iba pang kagamitan.

“Kailangan din ng mga karagdagang imprastraktura, kung kaya naman nagpapagawa rin tayo ng mga bodega at kalsadang malalapit sa [mga] sakahan sa pamilihan. Para hindi tayo— hindi kayo nahihirapan na dalhin ang inyong ani mula sa pinagsasakahan ninyo hanggang doon sa palengke, para mababa pati ang presyo, mas malaki ang kikitain ng ating magsasaka ,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Tulungan natin silang makaahon sa kahirapan at mapaunlad ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng mga makabagong pamamaraan, mula sa pag-aararo, pagtatanim, pag-aani hanggang sa pagbebenta sa merkado,” dagdag ng Pangulo.

Natuwa si Pangulong Marcos na naging bahagi sa pamamahagi ng titulo ng lupa lalot espesyal sa kanya ang nga magsasaka.

“Kaya’t ipinagmamalaki ko na minana ko ang pagmamahal at pagpapahalaga ng aking ama sa ating mga magsasaka. Kaya naman, mahirap ko mang makita, nadudurog po ng puso na makita na hanggang ngayon, ang pinakamahirap sa ating bansa ay ang mga magsasaka,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Una nang nilagdaan ni Pangulong Marcos ang New Agrarian Emancipation Act kung saan pinakinabangan ito ng 610,054 Filipino farmers na nagbubungkal ng lupa ng mahigit 1.7 million hectares.

Sa talaan ng Department if Agrarian Reform, nasa 90,000 land titles na ang naipamahagi noong 2023, mas mataas ng 40,000 mula sa 50,000 target.

“Umaasa ako na dadami o dodoble pa sa taon ng 2024,” pahayag ni Pangulong Marcos.