BBM1

Marcos: Paglahok muli ng Pilipinas sa ICC, pinag-aaralan ng pamahalaan

206 Views

Pinag-aaralan umano ng pamahalaan ang posibilidad na muling lumahok ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Ang pahayag ay ginawa ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., matapos na hingian ng reaksiyon hinggil sa tatlong resolusyon na inihain ng anim na mambabatas sa Kamara, kung saan hinihikayat nila ang lahat ng sangay ng pamahalaan na payagan ang ICC na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa mga extra-judiucial killings na naganap sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa pangulo, maraming opsiyon na pinag-aaralan ang pamahalaan kaugnay dito.

Maliban aniya sa pagbalik ng Pilipinas sa ICC, pinag-aaralan din ang posibleng pakikipag-tulungan ng pamahalaan sa ICC para makapasok ang kanilang mga imbestigador sa kaso ng mga pagpatay sa ilalim ng Duterte administration.

Gayunman, binigyang-diin ng pangulo na kailangan lamang na tiyakin na may hurisdiksyon pa ang ICC para magsagawa ng imbestigasyon, kahit na pormal nang tinalikuran ng Pilipinas ang kasunduan dito sa panahon ng Pangulong Duterte.

“There is also a question, should we return under the fold of the ICC, so that’s again under study. So we’ll just keep looking at it and see what our options are,” anang pangulo.

“But as I have always said, there are still some problems in terms of jurisdiction in and sovereignty. Now, if you can solve those problems then that would be something else. But, medyo fundamental ‘yung mga question na ganun,” dagdag pa niya.

Paliwanag pa ng presidente, kung papayagan ang ICC na magsagawa ng imbestigasyon sa Pilipinas, hindi naman aniya ito nangangahulugan na wala nang soberenya ang bansa at malaya na ang ICC na gawin kung ano ang gusto nilang gawin.

“Simple lang para sa akin. Simple lang naman ‘yang isyung ‘yan. Hindi naman siguro tama na ang mga tiga-labas, mga dayuhan ang magsasabi sa atin kung sino iimbestigahan ng pulis natin, sino aarestuhin ng pulis natin, sinong ikukulong ng pulis natin. Hindi naman siguro tama ‘yun,” paliwanag pa ng Pangulo.

Matatandaan na isa si Pangulong Marcos, Jr. sa 17 senador na nag-ratipika ng Rome Statute of the International Criminal Court sa panahong nasa Senado pa siya noong taong 2011.

Iginagalang rin ng Pangulo ang deliberasyon ng Kamara de Representantes sa tatlong magkakahiwalay na resolusyon na humihimok sa pamahalaan na payagan ang mga imbestigador ng ICC.

“It’s really a sense of the House resolution and the sense, they are just expressing or manifesting the sense of the House that perhaps it’s time to allow or to cooperate with the ICC investigations,” pahayag ng Pangulo.

Nitong Miyerkoles, nagsagawa ng pagdinig ang House Committees on Justice at on Human Rights kaugnay ng dalawang resolusyon na inihain ng Makabayan bloc at nina Manila Rep. Bienvenido Abante at 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez.

Isa pang resolusyon, na akda naman ni Albay Rep. Edcel Lagman ang isasama rin sa mga susunod na joint hearing ng dalawang komite.

Nananawagan ang mga resolusyon sa gobyerno na makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng ICC kaugnay ng pagpatay at paglabag sa karapatang pantao ng mga awtoridad sa pagpapatupad ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

Matatandaang matapos na paboran ng ICC ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa war on drugs noong 2018 ay ipinag-utos ng noon ay dating Pangulong Duterte ang pag-atras ng Pilipinas sa Rome Statute na siyang bumuo sa ICC.