Calendar

Marcos: Panahon na para harapin ni Teves mga kasong kriminal vs kanya sa RTC
SINABI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules na panahon na upang harapin ni dating Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr. ang mga kasong kriminal na isinampa laban sa kanya sa Manila Regional Trial Court.
“Panahon na para harapin ni G. Teves ang hustisya,” pahayag ni Pangulong Marcos sa isang video message na ipinalabas ilang minuto matapos lumapag ang eroplanong sakay si Teves sa Davao City para mag-refuel bago tumulak patungong Villamor Air Base sa Pasay City.
Ibinunyag ng Pangulo na una siyang naabisuhan tungkol sa pagkakaaresto ni Teves ni Prime Minister Xanana Gusmão sa katatapos lang na ASEAN Summit sa Kuala Lumpur ngayong linggo.
“Ibinahagi niya (Gusmão) na handa ang Timor-Leste na ibalik si dating Congressman Teves sa Pilipinas,” ani Marcos.
Pinuri ng Pangulo ang pamunuan ng Timor-Leste dahil sa naging papel nito sa pagkakadakip kay Teves.
“Hindi ito mangyayari kung wala ang tulong ni Pangulong José Ramos-Horta at Punong Ministro Gusmão,” dagdag pa ni Marcos. “Gumawa sila ng paraan at nagsumikap upang maisara ang isyung ito.”
Nahaharap si Teves sa iba’t ibang kasong kriminal, kabilang na ang pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong 2023, at ilang iba pang kasong pagpatay noong 2019.
“Ipinapaabot namin sa mamamayan na ang anarkiya at kawalang-batasan ay hindi palalagpasin,” giit ni Pangulong Marcos. PCO