Calendar

Marites sa natapos na halalan di pa tapos sa Maynila
TAPOS na ang halalan pero hindi pa pala tapos ang pagma-“maritess” sa mga nakaraang pangyayari bago pa man magkaroon ng eleksiyon sa Lungsod ng Maynila.
Marami kasi ang hindi naka-pick up sa blind item ni Manila Mayor-elect Isko Moreno sa isang television talk show nang sabihin niya na bago pa man siya magpasiyang tugunan ang panawagan ng mamamayan ng Maynila na muling bumalik bilang Ama ng Lungsod, mayroon daw isang kilalang pulitiko na may kakayahan talagang manalo ang nagtangkang tumakbong alkalde ng lungsod.
Sabi pa ni Yorme, malaki ang tsansang manalo ang babaing pulitiko na kilala talaga sa larangan ng pulitika dahil nang magpa-survey sila, nakikita nila na laging nasa dulo si Mayor Honey Lacuna na patunay na kaya talagang nitong magwagi.
Sa kalaunan naman ay nagpasiya na ring umatras sa pagtakbo bilang alkalde ang bantog na pulitiko dahil sabi ng mga maritess, naging matunog na raw kasi ang pangalan ni Yorme na muling babalik sa Manila City Hall.
Kaya lang, hindi lang pala isa kundi dalawa yung babae na kapuwa may malawak na karanasan sa pulitika ang nagtangka talagang sumabak sa pagiging alkalde ng Maynila. Yun nga lang, hindi lumantad yung una dahil tinesting muna kung ano ang magiging reaksiyon ng marami.
Isang beses lang nagparamdam yung kampo ng unang babaing pulitiko nang magpa-bongga sa isang bantog na restaurant sa Ongpin St. sa Chinatown area, pero hindi na nasundan dahil marahil napagtantong mahihirapan siyang masungkit ang inaasam na posisyon.
Pagbabago sa Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna, inaabangan
MARAMI ang nag-aabang sa magaganap na pagbabago sa lalawigan ng Laguna, lalu na ang pagsugpo sa lahat ng uri ng krimen at iba pang ilegal na aktibidad dahil sa pagbabago ng liderato ng Pamahalaang Panlalawigan.
Ngayon pa lang kasi ay abala na sina Police Regional Office (PRO)-4-A Director P/BGen. Kenneth Paul Lucas at Laguna Provincial Director P/Col. Ricardo Dalmacia sa panghuhuli sa mga sangkot sa ilegal na droga, mga wanted na kriminal, at maging mga operator ng ilegal na sugal.
Kabi-kabila kasi ang paglalagay ng mini carnival sa maraming bayan ng Laguna dahil panahon ng kapistahan pero ang siste, sumisingit sa loob ng carnival ang mga ilegal na sugal na numbers game, drop ball, at iba pa na kinalolokohan ng mga kabataan.
Tulad na lang ng mga peryahan ng isang alyas “Jervie” sa Pangil, sa Wawa Park sa Paete at Brgy. San Antonio, Kalayaan, pati na rin ang ang mga numbers game sa Longos, Kalayaan, Sta Cruz plaza at Pila población na inilatag ng isang alyas “Marvin”.
Maging sina alyas “Tessie”, “Emily”, “Melly”, “Anna”, “Judith”, “Ronnie”, “Fe”, :Aklang”, “Jay”, at “Bunso” ay may mga puwesto rin ng ilegal na sugal sa Pila, Pansol, parke ng Calauna, Baywalk ng Calamba, Bayan ng Cabuyao, plaza sa Sta Rosa, Brgy. Timbao sa Binan, at Landayan sa San Pedro.
Naging talamak ang mga isinisingit na ilegal na aktibidad sa mga mini carnival dahil sagot daw nina alyas “Aries”, alyas “Rene”, alyas “Adlawan”, alyas “Jack”, alyas “Randy” at alyas “Onyok” ang huli, kapalit siyempre ng arawang koleksiyon sa mga ilegalista.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0915-649-2023 o mag-email sa [email protected]