Ridon

Mary Grace Piattos malalaman na kung totoo o fake -Ridon

Mar Rodriguez Jul 20, 2026
174 Views

SA wakas ay malalaman na kung totoong tao o isang kathang isip lamang ang kontrobersiyal na si “Mary Grace Piattos”. ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Party List Rep. Terry Ridon.

Pagbibigay diin ng kongresista na dapat ipaliwanag ng defense team ni Vice President Sara Z. Duterte kung totoong tao o hindi si “Mary Grace Piattos” at iba pang nakalista na recipient sa kontrobersiyal na confidential fund.

Sinabi ni Ridon na naghahanda na ang prosecution panel para sa paglalatag o presentasyon ng mga testigo at ebidensiya para sa pagdinig ng unang Article of Impeachment kaugnay sa di-umano’y maling paggamit ng confidential funds noong si VP Duterte pa ang namumuno sa Department of Education (DepEd).

“Pag-uusapan po roon ‘yung Mary Grace Piattos, kung sino si Mary Grace Piattos, totoong tao ba si Mary Grace Piattos?,” ang pahayag ni Ridon tungkol kay Mary Grace Piattos.

Binigyang-diin ng party list solon na kung sasabihin ng defence panel na hindi totoong tao si Mary Grace Piattos. Iginigiit ni Ridon na sino ang kumuha ng pera na pinirmahan ni Mary Grace Piattos.

“Kung hindi totoong tao si Mary Grace Piattos, sino ‘yung kumuha ng pera na pinirmahan ni Mary Grace Piattos?” ayon kay Ridon.

Natuklasan na may kabuuang P612.5 milyon ang confidential fund na ginastos ni Duterte sa ilalim ng Office of the Vice President at Department of Education mula Disyembre 2022 hanggang Setyembre 2023.

“Pag-uusapan doon ‘yung PSA report na wala pong pinanganak, namatay, kinasal na Mary Grace Piattos, Milky Secuya, at iba pa hong mga pangalan doon po sa listahan ng recipients ng confidential funds ng Office of the Vice President. Masasalang ho ulit doon ng NBI handwriting expert kung saan sinabi po roon na parang isang grupo, ilang mga tao lang ‘yung pumirma nung kalakhan ng mga acknowledgment receipts nitong mga confidential funds,” wika pa ni Ridon.

Ayon kay Ridon, plano rin ng prosekusyon na ipresinta ang audit report ng Commission on Audit (COA) at ang pinal na desisyon nito na ipasoli kay Duterte ang {73.287 milyong halaga ng confidential fund na bahagi ng P125 milyon na ginastos sa loob ng 11 araw noong 2022.

“Pinasosoli po ang Pangalawang Pangulo ng P73 million personal para dito po sa confidential funds misuse ng 2022. Sa pinakadulo, ang pinag-uusapan ho rito, tama ho ba ‘yung paggamit ng pondo ng bayan sa confidential funds?” dagdag pa ni Ridon. “Betrayal of public trust po ba ‘yung ganitong pong tipo ng paggamit ng pondo ng bayan?” pagtatapos ni Ridon.