Martin

Mas malaking bahagi ng kita ng Maharlika fund mapupunta sa ayuda

213 Views

ITINAAS ng Kamara de Representantes ang bahagi ng kita ng Maharlika Investment Fund (MIF) na mapupunta sa ayuda.

Mula sa 20 porsyento, pumayag ang Kamara sa pamumuno ni Speaker Martin G. Romualdez na itaas ito sa 25 porsyento.

“We have increased the contributions of the profits of the Maharlika Investment Fund to social welfare fund that the government can utilize to provide assistance to those who need it the most,” sabi ni Romualdez.

Ang pagtataas ay panukala ng miyembro ng Minority bloc na si ACT Teachers Rep. France Castro.

Sa period of amendments ng House Bill 6608 o ang MIF bill, inirekomenda ni Castro na itaas ang bahagi ng kita ng Maharlika fund na mapupunta sa ayuda sa 30 porsyento mula sa orihinal na panukala na 20 porsyento.

Matapos ang mga pag-uusap ay nagkasundo ang mayorya at minorya na ilagay ito sa 25 porsyento.

Sinabi ni Romualdez na ang panukala ay dumaan sa public consultation at mahabang debate upang makabuo ng mahusay na panukala na mas pakikinabangan ng bansa.

Bukod sa pagtataas sa pondo na mapupunta sa ayuda, pumayag din ang mayorya na huwag gawing mandatory para sa Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System, at Home Development Mutual Fund ang paglalagay ng pondo sa MIF.

Pumayag din ang mayorya sa mungkahi ni Castro na ipagbawal ang pagi-invest ng MIF sa mga kompanya na mayroong rekord ng paglabag sa karapatang pantao, gumagawa ng mga armas para sa gera, at malubhang sumisira sa kalikasan.