Recto

Mas marami pang lider ng Kamara, nagsalita kaugnay ng panawagang magbitiw si ES Recto

19 Views

DALAWA pang lider ng Kamara ang nagtanggol noong Lunes kay Executive Secretary Ralph Recto laban sa panawagang magbitiw siya na inihain ni Dr. Tony Leachon, isang nagpakilalang “public health expert.”

“Parang sirang plaka itong si Leachon. Tumutok na lang siya sa pasyente niya kaysa makisawsaw at manawagan ng resignation ni ES Recto,” ayon kay Deputy Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur.

Samantala, hinimok naman ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House committee on good government and public accountability, si Leachon na magpokus lamang sa mga usaping medikal at huwag nang makialam sa ekonomiya.

“Si Dr. Leachon ay hindi ekonomista. Kaya mas maigi na siya ay mag-focus sa propesyon kung saan niya sinasabing siya’y may alam. Hayaan ang usaping ekonomiya sa mga ekonomista,” ani Chua.

Samantala, sinabi rin ni Deputy Speaker Janette Garin ng Iloilo, tulad ni Adiong, na tila sirang plaka na si Leachon.

“Parang sirang plaka na si Leachon. Public health expert? It was (Health) Sec. Ted Herbosa himself who affirmed that Leachon’s being a public health expert was his ‘requested label’ when interviewed,” aniya.

Ayon pa kay Garin, na dati ring kalihim ng Department of Health, hindi naman nag-aral ng public health si Leachon.

“Hindi naman ’yan nakapag-aral ng public health, masteral nor doctorate. Siya lang naglagay ng claim na ’yan,” dagdag niya.

Hinamon din ni Garin si Leachon na sabihin sa publiko na ibinasura ang mga reklamong kaugnay ng Dengvaxia laban sa kanya dahil mahina umano ang testimonya nito.

“Bakit hindi niya sabihin sa publiko na kaya dismissed yung mga kaso sa RTC dahil siya lang naman ang ‘expert witness’ kung saan sinabi niyang ‘we soaked the bodies in water’ when asked how an autopsy is conducted,” ani niya.

“He also mentioned he is God’s gift to mankind. Parang siya ang salvation. Demurrer was granted because of fake autopsies and fake expert,” dagdag pa ng kongresista mula Iloilo.

Sinabi rin ni Garin na umaasa umano si Leachon na maitalagang kalihim ng kalusugan nang magbitiw si dating Health Secretary Enrique Ona.

“He was expecting to be appointed SOH (secretary of health) when Secretary Ona resigned. Kaya ganyan ang galit sa akin,” dagdag niya.