Department of Energy

Mas matatag na sektor na enerhiya sa PH nakikita

83 Views

INAPRUBAHAN na ng Senado ang Philippine Natural Gas Industry Development Act o ang Senate Bill No. 2793 sa huling pagbasa na nagmamarka ng mahalagang hakbang para sa pagpapalakas ng seguridad ng enerhiya at pagtutulak para sa mas abot-kayang enerhiya para sa mga konsumer.

Binigyang-diin ni Sen. Pia Cayetano, Chair ng Senate Committee on Energy at sponsor ng panukalang batas, ang pangmatagalang epekto ng batas na ito sa larangan ng enerhiya.

“This is a momentous step forward as we strive to achieve energy security and sustainable economic growth,” ayon kay Cayetano.

Ang bagong batas nagbibigay ng prayoridad sa pagpapaunlad ng likas na yaman ng natural gas ng bansa at layuning mabawasan ang pagdepende sa imported na enerhiya.

“Natural gas serves as a transition fuel toward our goal of renewable energy. We can’t solely rely on imports.

By developing our own resources, we reduce exposure to global market shocks and create a more secure, stable energy supply for the country,” paliwanag ng senadora.

Itinatag ng batas ang Philippine Downstream Natural Gas Industry (PDNGI) framework na sumasaklaw sa transmisyon, distribusyon at suplay ng natural gas.

Kasama sa mga pamantayan nito ang transparency sa pagpepresyo at patas na access upang mapanatiling abot-kaya ang gastos sa enerhiya para sa mga konsumer.

Ang Department of Energy (DOE) at ang Energy Regulatory Commission (ERC) ang magbibigay ng pangangasiwa para sa pagsunod, pagpapanatili ng kumpetisyon at pangangalaga sa kapakanan ng mga konsumer.

Ang pagpasa ng batas kasabay ng kinakaharap na mga isyu sa suplay ng enerhiya ng bansa lalo na’t inaasahan ang pagkaubos ng gas reserves ng Malampaya gas field pagsapit ng 2027.

Dahil sa pagdepende ng bansa sa imported na enerhiya, ang pag-unlad na ito naglalayong magtatag ng mas matatag na sektor ng enerhiya sa bansa.

Ang batas nagbibigay rin ng fiscal incentives para sa mga mamumuhunan sa imprastruktura ng natural gas mula sa konstruksyon at operasyon hanggang sa pag-convert ng mga pasilidad para sa paggamit ng natural gas upang hikayatin ang partisipasyon ng pribadong sektor.

Inaasahan na ang pamahalaan makikipagtulungan nang malapit sa mga pribadong mamumuhunan at mga kasamahan sa industriya upang maipatupad ang mga probisyon ng batas at maitayo ang kinakailangang imprastruktura.