Atty. Jeff Coronel

MASADA- Makabagong People Power

Jeff Coronel Mar 11, 2022
295 Views

MULA sa hanay ng mga parallel groups na binuo upang suportahan ang mga kandidato ng Halalan 2022, narating ng MASADA ang tugatog na hindi narating ng kanino mang parallel groups ng mga nakaraang eleksyon. Kinikilala ngayon nga mga nangungunang kandidato sa pagka-pangulo at pagka-pangalawang pangulo. Naging stop overs sa patuloy na Mahalin Natin ang Pilipinas Ride, at sunod-sunod na nagbukas ng mga headquarters sa ibat-ibang rehiyon.

Ang MASADA, marahil, ang pinakamalaking parallel group sa kasalukuyan na mayroong hight sa 35 na mga regional headquarters, hindi pa kasali ang mga provincial headquarters and city/municipality offices. Mula Rehiyon I hanggang BARMM, ang MASADA ay patuloy na nagiging matunog at ang mga aktibidad nito ay sumasabay sa indayog ng national campaign.

Ang pagbuo ng parallel groups ay dating gawain na sa mga nagdaang eleksyon, na tinatawag ding Sectoral Groups. Ngunit mas namayagpag ang mga parallel groups noong nakaraang 2016 Elections na pinanalo ni Pres. Rodrigo Duterte, ang mga parallel groups mula sa Visayas at Mindanao ay nakilala sa buong bansa. Nagpatunay ang 2016 na ang parallel groups ay mahalagang kabahagi ng isang pambansang kampanya—sa pagpapalaganap ng plataporma, pagbibigay edukasyon, konsolidasyon ng pwersa, at pag-abot sa mga botanteng hindi madalas madaanan ng mga kampanya—mga walang access sa internet at makabagong teknolohiya.

Nagsimula bilang Run Sara Run na naghimok kay Mayor Sara Z. Duterte na tumakbong pangulo, ang depinasyon at mekanismo ng MASADA ay binago upang sabayan ang mga bagong kaganapan sa pangpolitikal na espasyo ng bansa. Sa pag-indorso ni Mayor Sara Z. Duterte kay Dating Senador Bongbong Marcos bilang presidente at pagtakbo bilang bise-presidente hanggang sa binuo ang UniTeam, dumaan sa transpormasyon ang MASADA upang hindi masayang ang nagawa nitong pag-ikot sa buong bansa ng ilang buwan at bigyan ng pagkakakilanlan ang mga taong sumabay at nakiisa sa panawagan. Ang dating Mayor Sara Duterte Alliance ay naging Marcos Sara Duterte Alliance.

Sa paniniwalang si Mayor Sara Duterte ang nararapat na mamuno sa bansa, kinikilala ng MASADA ang husay ng alkalde upang gumawa ng tamang pasya ukol sa nararapat na direksyon ng bansa. Ang pagtitiwalang binigay ni Mayor Duterte kay BBM ang siyang tiwalang ibinibigay din ng MASADA kay BBM.

Ang MASADA ay salamin ng pagkakaisang patuloy na pinapanawagan ng UniTeam. Binubuo ng mga ordinaryong taong gustong ipagpatuloy ang pagbabago—mga simpleng volunteers na patuloy na nakikilahok sa pinakaimportanteng bahagi ng ating kasaysayan. Ang MASADA Ako campaign ng MASADA ay binibigyan ng bagong depinasyon ang kapangyarihan ng mga mamamayan. Kapangyarihang magkaroon ng pagkakakilanlan at makilahok sa pambansang retorika, ano mang antas ng pamumuhay. Ito ay pagbibigay ng espasyo sa lahat ng gustong sumuporta sa UniTeam ngunit hindi kabahagi ng anumang pambasang organisasyon.

Ang pagiging Ka-MASADA ay ang pagpapabilang ng isang ordinaryong tao sa lumalaking boses ng patuloy na pagbangon, pagbabago, at pagsulong ng Pilipinas. Mga bahay na ginawang headquarters, mga taong pinagagamit ang kanilang mga propreyidad, pati oras at konting pera upang isulong ang kampanya ng UniTeam sa kanilang mga lugar. Mga taong nag-iikot, gumagawa ng sariling campaign collaterals, namimigay ng mga campaign shirts, at nangunguna sa mga programang pampamayanan upang ipaabot ang kanilang sinseridad sa adhikaing matulungan ang bansa na maging mas maunlad.

Ang MASADA ay salamin ng bagong People Power—ang kapangyarihan ng mga botante at ng mga indibidwal, sino ka man at saan ka man na maging bahagi ng totoong pagbabago. Ang pagbibigay kapangyarihan sa mamamayan na umaksyon ayon sa kanilang paniniwala at hindi lamang maging tapunan ng mga kampanyang pinaganda lang ng mga eskperto at pinalalawig lamang ng iilan. Ang MASADA, sa pangkalahatahan, ay ang pagpapasakamay ng mga mamamayan ng kinabukasan ng bansa—yan ang totoong kapangyarihan, ang totoong People Power.