Teofimar Renacimiiento

Masamang halimbawa

541 Views

MATAPOS gumawa ng umano’yiskandalo si Comelec Commissioner Rowena Guanzon, gumawa siya ng palatuntunan sa tapat ng Manila Cathedral, na katabi lang ng gusali ng Comelec sa Intramuros, Maynila.

Mayroong larawan na lumabas sa isang pahayagan kung saan makikita si Guanzon na di-umanoy nakatindig sa labas ng Manila Cathedral. Isang madre ng simbahang Katoliko ang makikitang nasa tabi ni Guanzon. Nakasuot ang madre ng pasadyang t-shirt na nagsasabing kakampi niya si Guanzon.

Kahit hindi naman naiintindihan ng nasabing madre ang talagang nangyari, kinampihan na lang niya kaagad si Guanzon dahil galit ang mga madre kay BBM.

Mukha yatang ang mga Madre Damasa, tulad ng mga Padre Damaso na pakialamero sa pulitika, ay tinatamad nang manatili sa kanilang mga seminaryo at kumbento, at namumulitika na naman.

Alam ng madla na matagal nang kampi sa mga Aquino at kay Robredo ang mga Padre Damaso at Madre Damasa. Naniniwala ang mga prayle at madre na magiging makapangyarihan muli sila sa pamahalaan kapag si Robredo ay manalo sa darating na halalan.

Abusado na ang mga prayle at madre nuong panahon ni Jose Rizal, at hanggang sa panahon din ni Pangulong Noynoy Aquino, abusado pa rin sila. May hangganan din ang kanilang pang-aabuso.

Hindi kasalanan ni Comelec Commissioner Ferolino na matagal ang paglabas ng desisyon sa mga petisyon laban kay Bongbong Marcos (BBM). Dapat naman talagang pinag-aaralan ng mabuti ng Comelec ang desisyon nito bago ilabas ito sa madla.

Walang batas o alituntinin na nagsasabing dapat ilabas na ni Ferolino and desisyon ng Comelec First Division bago mag-retiro si Guanzon. Gawa-gawa lang ni Guanzon iyon.

Hindi rin kasalan ni Ferolino na magreretiro na si Guanzon sa pagsapit ng Pebrero 2, 2022.

Ayon sa batas at mga alituntunin, ang “separate opinion” ni Guanzon ay hindi maaring ilahad sa madla hanggang hindi pa lumalabas ang desisyon ng First Division. Bilang Commissioner ng Comelec at bilang abogada, dapat alam iyan ni Guanzon.Pumasa ba talaga sa bar exam si Guanzon?

Dahil sa ginawa ni Guanzon, maari siyang sampahan ng kaso o demanda sa ilalim ng Section 3(k) ng Republic Act No. 3019, o “Anti-Graft and Corrupt Practices Act,” at ng Article 154 ng Kodigo Kriminal, o Revised Penal Code. Kahit sinong mamamayan ay maaring magsampa ng nasabing kaso o demanda.

Hindi angkop sa mga tungkulin ng Commissioner ng Comelec na humarap sa mga taga-ulat o reporter ng TV, radyo at dyaryo upang siraan ang Comelec at pagbintangan ang kanyang kapwa Commissioner. Ang ginawa ni Guanzon ay maitutulad sa gawain ng isang nais magpabida at magtawag pansin.

Gayun din, hindi gawain ng isang marangal na abogado ang manlait ng ibang tao, lalong-lalo na ng isang kapwa abogado, sa TV, radyo at dyaryo. Pagbabastos ng kapwa ang ginawa ni Guanzon kina Ferolino at Briones, mga kapwa niyang abogado.

​Wala ring isang salita si Guanzon. Matapos niyang hamunin si Briones sa debate, may banta si Guanzon na isusumbong niya si Briones kay Enrile. Anong uri ng hamon iyan? Hamon yan ng isang hindi lumalaban ng patas.

Ang isang kagalang-galang na Commissioner ng Comelec ay hindi dapat basta-basta na lang naghahamon na makipagsuntukan sa kanino man na bumabatikos sa kanya.Gawain yan ng mga sanggano, o isang laman ng lansangan, o tambay sa pier.

Kapag ang tao ay mayroong pinag-aralan, hindi magandang asal na ipagyabang niya ito, lalong-lalong na kapag siya ay may ginawang anomalya. Kahit mayroong pinag-aralan ang isang tao, ngunit masama naman ang kanyang ugali, walang rin silbi ang kanyang pinag-aralan.

Samakatuwid, hindi na dapat ipagmalaki pa ni Guanzon ang kanyang mataas na pinag-aralan. Nakakadagdag lang ito sa kanyang kahihiyan, dahil ang taong mataas ang inabot sa pag-aaral ay marunong maghambing ng tama sa mali, at ginagawa niya ang tama.

Ngayong retirado na si Guanzon sa Comelec, marami siyang panahon upang magbago ng kanyang asal. Maari na rin siyang kasuhan o idemanda upang huwag siyang gawing halimbawa ng ibang mga kawani sa pamahalaan, at ng kabataang Pilipino.