Calendar

Matalas na pahayag ni Bato vs PBBM, patunay ng pakiramdam ng ‘pagtataksil’
ANG matatalas na pahayag ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ay nagpapakita ng kanyang pakiramdam ng “pagtataksil.”
Ayon sa isang mambabatas sa Kamara, sa halip na magturo ng iba, mas makabubuting harapin na lang ni Dela Rosa ang kaso laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales, nauunawaan niya ang pinanggagalingan ng senador, pero binigyang-diin niyang hindi rin naman magaan ang mga pahayag na ibinabato noon nina dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Dela Rosa laban kay Marcos.
“Naiintindihan naman naming kung saan nanggagaling si Senator Bato, pero lagi nating tatandaan, masasakit din naman ‘yung mga binitawang salita ng former president at saka ni Sen. Bato Dela Rosa laban kay Pangulong Bongbong Marcos,” ani Khonghun.
“So hindi ko alam kung saan nanggagaling si Sen. Bato. Pero kailangan niyang harapin yung kaso. We are a country that works by certain rules at talagang kailangan nating harapin yung mga kaso na fina-file sa atin at walang exempted doon,” dagdag niya.
Pinabulaanan din ni Khonghun ang alegasyong nangako si Marcos na hindi isusuko si Duterte sa ICC.
“Wala akong maalala. Tsaka ang dapat nating isipin, katulad nga ng sinabi ng ating Pangulo, hindi naman tayo nakipag-cooperate sa ICC. Ang ating responsibilidad, obligasyon sa Interpol, yun ang ating ginampanan,” saad niya.
Samantala, sinabi ni Manila Rep. Ernix Dionisio Jr. na ipinaliwanag na ni Marcos na sinusunod lang ng gobyerno ang mga obligasyon nito bilang miyembro ng Interpol, isang organisasyong tumutulong rin sa Pilipinas sa pagpapatupad ng batas.
“They were merely doing their duty, our duty sa Interpol because meron tayong standing relationship with Interpol and it is our duty to abide by the request,” pahayag ni Dionisio.
“Likewise, that when we request anything sa Interpol sa may ibang pagkakataon like what the president mentioned, that’s one of the reasons why nahuli si Alice Guo. So mine-maintain ng bansa natin at ng ating Pangulo ‘yung relationship natin with Interpol,” dagdag niya.
Matatandaang binatikos ni Dela Rosa si Marcos sa umano’y “pagtataksil” kay Duterte sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanyang pag-aresto sa ilalim ng ICC dahil sa kasong crimes against humanity. Minaliit din ng senador ang paliwanag ng gobyerno na tinutupad lang nito ang mga obligasyon nito sa Interpol, na tinawag niyang isang “palusot.”
Ngunit ayon kay Khonghun, bago pa man inilabas ang ICC warrant, matagal nang nilalait nina Duterte at kanyang mga kaalyado si Marcos sa publiko.
“Masakit ‘yung mga sinabi ni Senator Bato laban kay Pangulong Bongbong Marcos. Wala pa man din ‘yung warrant of arrest ng ICC, iniinsulto na ng ating dating pangulo si President BBM at nakakarinig din tayo ng masasakit na salita laban kay Senator Bato patungkol kay Presidente Marcos,” wika niya.
“Ngayon, sasabihin ni Senator Bato na he felt betrayed, so hindi ko alam kung saan siya nanggagaling,” dagdag pa nito.
Ayon naman kay Dionisio, malinaw na hindi inasahan ng kampo ni Duterte ang mga pangyayari kaya’t ngayon ay naghahanap sila ng paraan upang magpaliwanag at ibaling ang sisi.
“Sa tingin ko dahil may hinaharap silang mga bagay na ngayon na hindi nila inaasahan, na nabigla. I assume na hindi niya ineexpect kasi eh, tapos biglang nangyari,” ani Dionisio.
“So, they are probably finding ways to say, to answer and to blame. At the end of the day, the President already explained what they did, it is the right process to follow. It is the opinion of the legal minds of our country and of our government. And I think we should just let it pan out,” aniya pa.