Calendar

Matatag, malalim ang senatorial slate ng APBP — Pacquiao
TALISAY CITY, NEGROS OCCIDENTAL – Naninindigan ang tinaguriang “the people’s champ” at dating senador na si Manny “Pacman” Pacquiao na matatag ang line-up ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial slate. Kumbaga sa basketball ay malalim ang bench dahil sa track-record ng bawat kandidato.
Kinakatigan ni Pacquiao ang pahayag ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa kaniyang talumpati sa campaign rally ng APBP Senatorial candidates sa Bacolod City na hindi mga bagito ang 12 kandidato ng administrasyon sapagkat lahat sila ay may-kaniya-kaniyang track-record bilang mga public servants.
Sinabi ni Pacquiao na nabuo ang APBP dahil pinagsama-sama aniya ang lahat ng magagaling na kandidato at hindi matatawaran ang track-record sa pagsisilbi sa pamahalaan bilang kongresista, senador, dating PNP chief at dating gobernador.
Ibinida rin nito na bilang dating kongresista ng General Santos City, marami rin aniya siyang nagawa para sa kanilang lalawigan sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga programa at proyekto upang maisa-ayos ang pamumuhay ng kaniyang mga kababayan.
Binigyang diin ni Pacquiao na hindi maaaring tawagain lamang siya na “dating boksingero” dahil bilang mambabatas may mga inihaing din siyang panukalang batas para matulungan ang mga kapwa niya atleta na nagbibigay ng karangalan para sa bansa.
“Kahit ganito ang aking propesyon na dating boxing champion. Pero marami naman akong nagawa bilang isang legislator, hindi naman siguro matatawaran ang mga nagwa ko nuong ako nasa Congress at duon sa Senado,” paliwanag nito.
Pagdidiin pa ni Pacquiao na hindi man siya abogado gaya ng kaniyang mga kapwa kandidato sa APBP, subalit inilalatag naman aniya nito ng malinaw sa mga mamamayan ang kaniyang mga programa at adbokasiya na isusulong nito sa Senado.